GOOD news sa consumer partikular sa mga mamimili dahil simula kahapon, tuloy ang Diskwento Caravan ng Department of Trade and Industry (DTI) kasama ang Department of Agriculture (DA) para makabili ang mga consumers ng mura at may kalidad na mga produkto sa gitna ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Layon ng inisyatibo na tulungan ang consumers na pahabain ang kanilang budget sa pamamagitan ng price discounts.
Ang DA Kadiwa at DTI Diskwento Caravan para sa konsyumers ay gaganapin sa Greenheights Gym, Bgy. Nangka, Marikina City.
Simula 8:00 am hanggang 4:00 pm mabibili nila ang mga pangunahing produkto sa mas mababang halaga dahil ang presyo nito ay direkta mula sa distributors at manufacturers.
Bukod sa makatitipid ang consumers sa oras at pa(ma)sahe dahil ilalapit na sa kanila ang mga kinakailangan produkto.
Tampok sa discount caravan ang iba’t ibang produkto tulad ng de-latang sardinas, instant noodles, kape, sabon, condiments o pampalasa (suka, toyo), cooking oil, sariwang isda at manok, gulay, at prutas, available din ang alcohol.
Hinimok ng DTI ang publiko na samantalahin ang pagkakataon dahil malaking tulong ito sa bawat pamilya, lalo ngayong may ECQ.
Ang DTI ay mahigpit na magpapatupad ng social distancing sa gaganaping Diskwento Caravan.
Una nang naglunsad ang Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Agriculture (DA) ng Diskwento Caravan sa mga lungsod ng Navotas at Taguig noong nakaraang linggo. (JAJA GARCIA)