Friday , November 15 2024
Sipat Mat Vicencio

Ang itlog, saba at buto ni Cynthia

SABI nga, sa panahon ng kagipitan at pangangailangan, ang lahat ay nagkakaisa at nagtutulungan.  At dito masusubukan ang pakikipagkapwa ng bawat indibiduwal o mga pamilyang  nakaririwasa o tunay na nakaaangat sa buhay.

 

Alam ng lahat kung anong hirap ang dinaranas ngayon ng taongbayan dahil sa patuloy na pananalasa ng COVID-19. Marami na ang nagugutom, namamatay at halos lahat ay desperado para makaahon sa kani-kanilang buhay.

 

Kaya nga, nakapagtataka dahil may ilang mga nakaririwasa sa buhay ang maituturing na maramot at hindi marunong tumulong sa mga nangangailangan. Silang ubod ng yaman ay hindi maasahan sa panahon ngayon.

 

Maihahalimbawa rito ay ang pamilya ni Sen. Cynthia Villar.  Sa kabila ng nakalululang yaman ng pamilya, marami ang nagtataka kung bakit ang ipinamahagi nitong food pack sa Las Piñas, sa kanilang balwarte, ay nilagang itlog at saba. Oo, isang nilagang itlog at isang nilagang saba!

 

Ang masakit pa nito, ang nasabing ipinamimigay na food pack ng pamilya Villar na nakabalot sa isang supot na plastic ay meron isang papel at mababasa ang nakasulat na … “from: senators Manny and Cynthia Villar Camille Villar.”

 

Hindi naman sa minimaliit o tinatawaran natin ang ipinamimigay na food packs ng pamilya Villar, pero hindi naman siguro kalabisan kung sasamahan nila ito ng 5 kilong bigas, sardinas at corned beef.

 

Sa yaman ng pamilyang Villar, kayang-kaya nila ang isang bigtime na food pack at tiyak na hindi kabawasan ito sa kanilang limpak-limpak na salapi na kahit bilangin araw-araw ay hindi ka matatapos kahit paglamayan pa nang isang buwan.

 

Sa kasalukuyan, base sa 2019 Statement of Assets, Liabilities and Networth, sa 24 senador, si Cynthia ang pinakamayaman. Nakapagtala si Cynthia ng networth na P3.53 billion at walang liability.

 

Ang kanyang mister at dating Senador Manny Villar naman, base sa report ng Forbes, ay ang pinakamayamang negosyante sa Filipinas na nakapagtala ng networth na $5.6 billion ngayon taon kumpara sa dating yaman nitong $5.5 billion noong nakaraang taon.

 

Isa pang nakagugulat na ginawa ni Cynthia ay nang mamigay ng vegetable seeds para hikayatin ang taongbayan na magtanim na siyang sasagot sa kagutuman sa gitna ng krisis na dulot ng COVID-19.

 

Hindi na inisip ni Villar na bago pa mamunga ang ipinamigay niyang butong gulay ay baka patay na ang nagtanim nito. Ilang linggo o buwan pa ang bibilangin bago ito mamunga at maani!

 

At sa hirap ng sitwasyon sa mga depressed area, saan naman kaya kukuha ng lugar na pagtataniman ang bawat pamilya lalo na kung dikit-dikit ang kanilang mga barung-barong.

 

Maganda naman ang layunin ni Cynthia.  Pero sana kung nais talaga niyang makatulong sa mga kababayang nahaharap ngayon sa matinding krisis, ‘yung praktikal na tulong at matagal na pakikinabangan ng mga kumakalam na tiyan.

About Mat Vicencio

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *