HINDI natin alam kung kakampi o kalaban ni Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno ang kanyang sariling mga adviser. Parang manok kung isabong ngayon si Yorme, at kung mapahamak man ang kanilang mayor, mukhang wala silang pakialam dito.
Dahil nga siguro sa sobrang popular, kaya kampante ang mga adviser na laging maayos at ‘panalo’ ang lahat nang ipagagawa nila kay Yorme. Tiwalang-tiwala ang mga adviser ni Yorme na hindi sila magkakamali at ang lahat ng kanilang gagawin ay tama.
Pero ang dapat ilagay sa kokote ng mga adviser ni Yorme, lalo na ang handler ng kanyang social media, laging may limitasyon ang propaganda. Hindi habang panahon ay kakagatin ng taongbayan ang lahat ng sasabihin o magiging aksiyon ni Yorme.
Kailangan kasi sa propaganda ay balanse, meron timing, at ang execution ay nasa tamang panahon. Kung hindi kasi ito susundin, ang propaganda ay hindi magiging epektibo, palpak at hindi paniniwalaan.
Kaya nga, nakagugulat ang ginawa ni Yorme kamakailan nang batikusin at awayin ang mga lider ng gobyerno, mga politiko pati na ang lahat ng senador. Ang nakalulungkot, wala man lang umawat na adviser at parang tuwang-tuwa ang mga ito sa ginawa ni Yorme.
Unang-una, baka nakakalimutan ni Yorme na politiko rin siya. Tradisyonal siyang politiko kung hindi niya naaalala. Wala sa kanyang posisyon na magsermon dahil marami rin siyang mga naging kasalanan.
Isa pa, alam ba ni Yorme na talagang walang ginagawa ang mga senador laban sa COVID-19?
At kung mananawagan si Yorme ng pagkakaisa, hindi sa pamamagitan ng pagbatikos sa kanyang mga kapwa politiko. Ang pagmamahal kasi sa mga kababayang Filipino ay hindi sa paraan ng pangongonsensiya, kundi pagpapakita ito na meron dangal sa pagkatao at karapat-dapat na manawagan.
Hindi rin dahil sa nalinis ni Yorme ang mga bangketa sa Maynila at pinalayas ang mga vendors ay meron na siyang moral na kapasidad na makapagsalita at mangaral tungkol sa pagsisilbi sa bayan.
At dahil sa pinabayaan ng mga adviser na magkalat si Yorme, ngayon ay napakarami niyang kaaway hindi lamang ang mga senador kundi pati na rin ang mga opisyal na nasa Gabinete ni Pangulong Duterte.
Sa panahon kasi na humaharap ang bayan sa napakalaking problema tulad ng COVID-19, ang kailangan ng bawat isa ay malawak na pang-unawa at hindi mapanghusga lalo na kung humihingi ng pagkakaisa para sa bayan.
Kaya nga, ‘wag masyadong maniniwala at pabobola si Yorme sa kanyang mga adviser lalo sa kanyang social media handler dahil lumalabas na ipinapahamak lang siya ng mga ito. Yorme, pag-isipan n’yo rin!
SIPAT
ni Mat Vicencio