TULOY-TULOY pa rin ang serbisyo ni Angelika dela Cruz bilang Barangay Chairwoman sa Longos, Malabon, sa kabila ng dinaranas na COVID-19 sa bansa.
At sa mga ganitong sitwasyon, hindi naman sila puwedeng basta mag-shutdown ng serbisyo sa barangay. Sabi nga niya nang makausap siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa telepono, ”O.A.” na pag-iingat na lang ang ginagawa nilang lahat.
“Siyempre, the usual, ‘yung temperature check. Kailangan ‘yung mga darating sa barangay, naka-mask. Kailangan bago pumasok pa lang ng gate, naka-alcohol. Bago pumasok ng mismong building, alcohol ulit. Lahat ng events, canceled siyempre. Wala kaming SOBA, wala kaming seminars. Siyempre, ang hindi mo lang puwedeng alisin, ‘yung health center, lalo na ngayon.”
Kung may SONA o State Of the Nation Address ang Presidente ng bansa, may SOBA, o State Of the Barangay Address si Angelika. Hindi nga nila nagagawa ito ngayon dahil sa COVID-19 scare. Nag-disinfect sila ng buong barangay ngayong weekend.
Wala na ring pasok ang mga eskuwelahan, pero sila sa barangay, tuloy-tuloy lang.
“Kailangan, eh, kami ang frontline. Kailangan kami roon,” pagbabahagi pa ni Angelika.
Personal pa ring pumupunta si Angelika sa barangay. Ang kaibahan lang ngayon, dahil sa COVID-19, hindi na siya kumakamay sa tao. Kapag may gustong kumamay sa kanya, sinasabi na lang niya na at saka na lang kapag wala nang coronavirus.
Okey lang kay Anglica kug masabihan siyang suplada dahil sa hindi niya pakikipagkamay. Wala siyang keber kahit ma-misinterpret siya.
“Wala tayo sa sitwasyon para intindihin pa kung ano ang sasabihin ng ibang tao. Kaya lang kasi, ako, mapagbiro ako. Kaya kong sabihin na, ‘Oops, bawal, corona!’ Tapos, natatawa na lang sila. Eh, kasi nako-comedy ko naman.”
Kuwento pa ni Angelika, ”Rati kapag nag-a-alcohol daw, maarte. Eh, ngayon, hawak ko ‘yung alcohol, kebs. Nagbibiro pa nga ako ng, ‘Huwag kayong lalapit, spray-an ko kayo ng alcohol. Ayaw ng corona.”
Tama lang naman si Angelica kung hindi na siya nakikipagkamay. Ang mas importante ay masiguro niya na hindi siya mahahawahan ng COVID-19, ‘di ba? Nag-iingat lang naman siya.
MA at PA
ni Rommel Placente