NAGPATUPAD na ng bagong oras ng curfew ang lungsod ng Maynila.
Sa isinagawang Special session ng Manila City Council, pinahaba ang curfew hours sa Maynila mula 8:00 pm hanggang 5:00 am.
Alisunod ito sa kautusan ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso bilang pag-iingat sa banta ng coronavirus disease (COVID-19) at sa pinaiiral na community quarantine sa Metro Manila.
Kinompirma ni Manila Mayor chief of staff Cesar Chavez na epektibo ang curfew tatlong araw matapos ang publikasyon.
“Ipa-publish ito ngayon, March 16,” aniya.
Sa curfew hours, bawal ang mga tao sa kalsada, commercial establishments, recreation centers, malls at pampublikong lugar.
Papayagan ang mga residente na lumabas sa oras ng curfew hours sakaling may emergency at kailangang bumili ng gamot.
Napagkasunduan din sa special session ng City Council ang closure ng lahat ng malls sa Maynila sa panahon ng community quarantine.
May paiiralin din umanong anti-hoarding, anti-profiteering at anti-cartel sa Maynila na bubuo ng task force na hahabol sa mga hoarder at profiteers, at pananagutin ang mga konsumer na magho-hoard ng basic commodities. (VV)