SA pagdiriwang ng Buwan ng Kababaihan, hayaan ninyong isa-isahin ko ang mga babaeng politiko na maaaring mamuno sa Filipinas sakaling sila ay tumakbo sa nakatakdang May 9, 2022 presidential elections.
Kung bibilanging lahat, siyam ang mga babaeng kwalipikadong maging kandidato sa pagkapangulo, at malamang na masungkit ng isa sa kanila ang pinakamataas na puwesto kalaban ang mga lalaking politiko na nag-aambisyon din maging lider ng bansa.
Kung papalarin ang sino man sa siyam na maaaring tumakbong kandidato, ito ang pangatlong pagkakataon na magluluklok ang Filipinas ng isang babaeng presidente. Si Cory Aquino ang unang babaeng naging pangulong at si Gloria Arroyo.
Sa mga lumulutang na pangalan, nangunguna sa listahan si Sen. Cynthia Villar, kasunod si Sen. Grace Poe, Sen. Leila de Lima, Sen. Pia Cayetano, Sen. Imee Marcos, Sen. Nancy Binay, Sen. Risa Hontiveros, Vice President Leni Robredo at Mayor Sara Duterte.
Kung sina Sara, Cynthia, Grace at Leni ay tinitiyak na tatakbo bilang pangulo sa 2022, ang ibang babaeng politiko naman ay maaaring bumaba at kumandito bilang bise presidente at ang iba naman ay tatapusin na lamang ang kanilang termino sa Senado.
Talagang kapanipaniwala ang kasabihang ang mundo sa ngayon ay hindi para sa lalaki lamang. Sa nangyayaring politika sa bansa, mukhang dominado ng mga kababaihan ang darating na May 9, 2022 presidential elections, at kapag nagkataon, isang babae ang tatanghaling presidente ng bansa.
Sa siyam na babaeng politiko, ang pitong senador dito ay hindi rin naman matatawaran ang kakayanan, at makikitang ginagawa ang kanilang trabaho lalo sa pagsabak sa mga debate katunggali ang mga lalaking mambabatas.
Si Leila, sa kabila ng pagkakakulong, ay patuloy na ginagampanan ang kanyang tungkulin bilang senador at patuloy din na naghahayag ng kanyang mga saloobin na madalas mababasa sa social media.
Walang ipinagkaiba si Sara, bilang mayor ng Davao city, tuloy ang kanyang serbisyo, at tulad din ni Leni, bilang bise presidente, ang paglilingkod sa taong bayan ay kanyang hinaharap.
Kaya nga, medyo tagilid ang mga lalaking nagbabalak tumakbo bilang pangulo sa 2022 dahil sa malamang ay masilat sila ng mga babaeng politiko. At kung mangyayari man ito, kawawa naman itong si Sen. Manny Pacquiao at si Sen. Bong Go.
Hindi ito makukuha sa paboksing-boksing na lamang at lalong hindi rin naman ito makukuha sa rami ng bubuksang Malasakit Center.
SIPAT
ni Mat Vicencio