NGAYONG darating na Marso 29, ipagdiriwang ng mga pulang mandirigma ang ika-51 anibersaryo ng pagkakatatag ng New People’s Army o NPA. Ang NPA ay ang brasong militar ng Communist Party of the Philippines na pinamumunuan ni Jose Maria Sison.
Si Joma, ang milyonaryong hukluban na nagtatago sa The Netherlands, ang siyang nagpapatakbo ng armadong rebolusyon sa Pilipinas sa mahabang panahon sa pamamagitan ng remote control.
Gamit ang NPA, maraming dugong inutang si Joma sa pamamagitan ng pagdukot, pagpatay, at pagtortyur sa mga ‘kasama’ kabilang na ang mga kabataang-estudyante o “tibak” na kumilos at sumapi sa kilusang lihim noong dekada 80.
Dahil sa mahinang pamumuno ni Joma, lumaganap ang intriga sa loob ng kilusan na nagdulot ng mga pagdududa sa bawat kasapian kung kaya’t ipinatupad ang Kampanyang Ahos, Oplan Missing Link, at iba pang paraan para purgahin o linisin ang ‘kilusan’ sa tinatawag na mga ahente o DPA.
Naging biktima rin ng kahibangan ni Joma ang ‘unit’ namin. Maraming inosenteng mga kasama ang naging biktima ni Joma, at mismong ang dati kong political officer na si Benny ‘Troy’ Clutario ay dinukot ng NPA at pinahirapan dahil sa mga maling bintang.
Mahaba ang listahan ng kasalanan ni Joma sa mga kasamang nagpakasakit at lumaban sa diktadura noong panahon ni Marcos. At mismong grupo namin ay hindi nakaligtas sa kahibangang ito ng komunismo.
At hayaan ninyong ialay ko ang tulang ito kina Boyet Caparas, Nida Mendoza, Gloria Galuno, Jojo Dass, Ruben Manahan III, at Joey Caburnida, mga lumaban sa panahon ng ligalig at dahas… tunay na mga kasama at naglimbag ng Kalatas Paggawa, ang pahayagang manggagawa.
PUSO AT ISIP
Sa puso…
naroroon ang rosas, ang luha at ang pagmamahal.
Sa isip…
naroroon ang katanungan
kung bakit may rosas, bakit may luha at bakit may pagmamahal.
Dalawang bagay na nagtatagisan sa katauhan bawat nilalang –
mga nilalang na matagal nang nagpapakasakit
sa loob ng mundong pinaniniwalaan at ginagalawan.
Ngunit ang kawastuhan ba’y
nakasalig sa isip na lamang?
At ang puso ba’y
walang puwang na maging bahagi ng katubusan?
Sa pakikibaka, samahan ng puso
at makatitiyak ng maagang tagumpay!
SIPAT
ni Mat Vicencio