KAKA-ANNOUNCE lang ng Metro Manila Summer Film Festival ng walong pelikulang kasama sa filmfest na sisimulan na sa Abril 11-21 ay heto at nag-announce na rin ang 4th Pista ng Pelikulang Pilipino na gaganapin naman sa Setyembre 11-17, 2020 na proyekto ng Film Development Council of the Philippines (FDCP).
Posibleng ang mga hindi napili sa MMSFF ay puwedeng isumite sa PPP at may guaranteed na co-production funds na aabot sa P2-M.
Base sa pahayag ng FDCP:
Una, magkakaroon ito ng lineup ng 10 pelikula.
Pangalawa, pipili ito ng anim na finished films o mga pelikulang nasa post-production at apat na proyektong nasa advanced development stage o production stage.
Pangatlo, maghahandog ito ng co-production funds na aabot sa P2-M sa pamamagitan ng FilmPhilippine Co-Production Fund.
Pang-apat, ang Sine Kabataan 4 ay magbibigay din ng production grants at magsasagawa ng film development lab sessions para sa mga kabataang filmmaker.
Ang PPP 4, na magaganap mula Setyembre 11 hanggang 17, 2020, ay proyekto ng FDCP na may pakikipatulungan sa Cinema Exhibitors Association of the Philippines (CEAP).
Ang unang araw ng PPP ay ang huling araw ng pagdiriwang ng Isang Daang Taon ng Pelikulang Pilipino (mula Setyembre 12, 2019 hanggang Setyembre 11, 2020), ayon sa Proklamasyon ng Pangulo Blg. 622, s. 2018.
Sa opisyal na pagtatapos ng pagdiriwang ng Isang Daang Taon ng Pelikulang Pilipino, layunin ng FDCP na mapagtipon ng PPP ang buong industriya bilang pagsalubong sa susunod na 100 taon ng industriya ng pelikula. Nang dahil sa napakahalagang pagdiriwang ng Sine Sandaan, mas maraming pakaaabangan sa PPP ngayong taon.
Ang PPP 4 ay magpapalabas ng 10 pelikula sa mahigit 900 sinehan sa buong bansa. Katulad ito ng PPP 3 na nagpalabas din ng 10 pelikula. Tatanggap ang PPP 4 ng apat na proyektong nasa advanced stage of development o production stage at anim na finished films o pelikulang nasa post-production.
Itinalaga ng FDCP ang mga deadline para sa mga aplikasyon: Marso 20, 2020 para sa mga proyektong nasa advanced stage of development o production stage at Hunyo 15, 2020 para sa finished films o mga pelikulang nasa post-production.
Iba-ibang mga genre film na may commercial at global appeal ang ipalalabas ng PPP 4. Maaaring ang mga pelikula ay family-oriented, romantic comedy, horror, fantasy, at historical, o kaya ay mga arthouse film na nagpapakita ng kultura at sensibilidad ng mga Filipino. Dalawang entry lamang sa bawat genre ang mapapabilang sa final selection (e.g., romance, comedy, action, etc.).
Ipinakilala rin ng PPP 4 ang Philippine Co-Production Fund (PCOF) ng FilmPhilippines Program ng FDCP. Magbibigay ang PCOF ng funding na aabot sa P2-M para sa mga piling proyektong nasa advanced stage of development o production stage sa pamamagitan ng PCOF co-production investment fund. Maaari ring makatanggap ng P2-M mula sa PCOF ang piling finished films o mga pelikulang nasa post-production.
Samantala, ang ika-4 na Sine Kabataan ay magbabalik bilang isang pinaigting na short film competition na magkakaroon ng film development lab program. Pakay ng Sine Kabataan na hikayatin ang mga filmmaker na may edad 18 hanggang 30 na gumawa ng short films hinggil sa mga isyung may kaugnayan sa kabataan tungkol sa edukasyon, kalusugan, family values, o security at peace building. Ang Sine Kabataan, na gaganapin kasabay ng PPP, ay magbibigay din ng production funds sa mga aplikasyon na may story concepts.
FACT SHEET
ni Reggee Bonoan