‘BUTI na lang may oposisyon kaya’t nagbunga rin ang paulit-ulit na pagbatikos natin laban sa mga tiwaling opisyal at kawani ng Bureau of Immigration (BI) na kasabwat sa talamak na human trafficking ng mga Genuine Intsik (GI) mula sa China.
Sa wakas ay nabulgar din kung paano niraraket ng mga walanghiya sa BI at mga kasabwat na tour/travel agency ang visa upon arrival (VUA) sa pagdagsa rito ng illegal workers na GI.
Ang raket ay tinawag ni Sen. Risa Hontiveros na “pastillas,” hango sa pamutat na pastillas de leche na ang pabalat ay nakakatulad ng pambalot sa inihahatag na ‘pitsa’ ng travel/tour agency operators sa mga corrupt na opisyal at kawani ng BI.
Sa inilabas na video ng opisina ni Hontiveros, kita na kada pasaherong GI ay ipinapasok muna sa tanggapan ng BI sa arrival area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) upang masiguro na kasama ang pangalan sa listahan na ibinayad ng travel/tour agency operators bago pa sila dumating sa bansa.
Kung tutuusin ay hindi ba visa before arrival (VBA) ang dapat na itawag sa raket dahil bago pa sila pumasok sa bansa ay hawak na ng BI ang listahan ng mga paparating na GI?
Ibig sabihin, sa simula pa lang, batid na rin ng BI na ang mga pinapapasok nila sa bisa ng VUA ay hindi talaga mga karaniwang turista na mamamasyal lang sa bansa kung ‘di magsisipagtrabaho sa mga Philippine Offshore Gambling Operation (POGO) nang walang mga kaukulang permiso mula sa ating pamahalaan.
Ang iba ay kasama sa mga mamahaling GI prostitutes na dumarayo rito para magkalat ng ‘garapata’ at iba pang sexually transmitted disease (STD).
Todo-tanggi ang mga opisyal ng BI at nagmaang-mangan pa sa nabulgar na raket.
Ayon sa mga damuho, ngayon lang daw nila nalaman na sinisindikato pala ang VUA sa BI.
Dahil diyan, iminungkahi ni Hontiveros na isalang sa lifestyle check ang mga damuhong sangkot sa nabistong raket upang malaman kung tutugma ang kanilang mga ari-arian laban sa kanilang sahod sa BI at walang itinatagong yaman.
Kung ‘di sa expose ni Hontiveros ay mababalewala ang nabulgar na raket na una na nating naisulat sa pitak na ito.
Tumutugma sa kolum natin noong Feb. 5 ang expose ni Hontiveros na P10,000 ang halagang pinaghahatian ng sindikato.
Ang ibinabayad umano ng POGO kada pasaherong GI na kanilang ipinapasok sa bansa ay P10,000 ang halagang pinaghahatian ng BI at travel agency operator.
Halagang P2,000 ang napupunta sa immigration at airport workers: P650 para sa nakatalagang Immigration officer (IO); P470 sa duty immigration supervisor (DIS); P280 sa Travel central enforcement unit (TCEU); P240 sa Border control and intelligence unit (BCIU); P260 sa Operations (OPS) o administrative/clerical officers; at P100 sa Terminal head (TH).
Samantala, P8,000 kada pasahero naman ang kininikita ng travel agency operator.
Suma-total, sa 1.8 milyong GI na nakapasok sa bansa, hindi bababa sa P10 bilyon ang kinita ng sindikato – BI at travel agency operators.
Sana, ipahanap din ang mga personalidad na ang pangalan ay iniuugnay sa raket at ipatawag sa imbestigasyon ng Senado.
Sino kaya ang “Ching” na nabanggit sa inilabas na video ni Hontiveros? Ano ang mahalagang papel niya sa sindikato?
May nagtanong sa atin kung ang Ching daw ba na nabanggit at ang may alyas na “Sing Kok” ay iisa?
At sino si ‘Boy Pisngi’ at ‘Boy Sisig’? Sila ba at ang nagngangalang Dennis Robles ng BI ay iisa?
Sa pagkakaalam natin, ang hepe ng BI sa NAIA Terminal 2 ay nagngangalang Dennis Robles.
Si Pisngi raw ay kakutsaba ng isang alyas Rico at isang alyas Cuevas naman ang direktang may kontak sa mga POGO.
Isama nang ipatawag ng Senado ang magkaribal na sina “Betty C.” at “Lea Intsik,” ang travel agency operator na pinakamalakas lumakad ng VUA sa BI na nakabase sa Binondo.
Abangan!
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09166240313. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
KALAMPAG
ni Percy Lapid