FIRST-EVER concert nina Jennylyn Mercado at Dennis Trillo na CoLove Live sa New Frontier Theater nitong Sabado ng gabi at wala silang takot na nakipagsabayan sa Unified concert nina Regine Velasquez at Sarah Geronimo, na officially sold out!
Saksi kami sa umaapaw na tao sa loob ng NFT at lahat ay nag-enjoy sa show lalo na sa dueto ang JenDen na talagang kilig na kilig ang kanilang supporters.
Laugh trip talaga kapag si Alex Gonzaga ang kasama sa show at maging ang GMA executives ay tawang-tawa sa kanya na inaasar si Jennylyn sa dueto nilang sinadyang na-out of tune ang una kaya lahat ng nasa loob ng New Frontier Theater ay hagalpakan sa katatawa.
Anyway, hindi nakarating si Janno Gibbs sa CoLove Live show dahil may ubo’t sipon ayon sa nakatsikahan naming staff ng production at last minute nagpasabi. Tsinek namin ang IG post ng singer/actor na may drawing na kamukha niya at may caption na, “Ughhh sick days.”
Tanong lang namin na alam naman ni Janno na may guesting siya sa first-ever concert ng JenDen hindi ba niya naagapan ang ubo’t sipon? ‘Di ba dapat the show must go on?
Sobrang pinasalamatan ni Jen ang pumalit kay Janno na si Nar Cabico para sa dueto nilang Moments of Love at If I’m Not in Love. Sabi nga ng aktres na laging maasahan ang 2016 grand champion ng Superstar Duets sa mga sandaling kailangan niya.
Hiyawan ang lahat sa pagpasok ni Carlo Aquino na mala-Daniel Padilla ang outfit sa kanyang white suit with matching dark shades, ‘yun lang isang kanta lang ang aktor kaya nabitin ang manonood.
Nakatutuwa ang audience ng CoLove dahil saulo ang lyrics ng awiting Buwan ni JK Labajo at hinayaan sila ng binatang kantahin ang chorus kaya ang ganda ng ngiti nito.
Palakpakan ang lahat ng ibahin ni JK ang sariling version niya ng Buwan na nilagyan ng grunge. Panay ang ‘more’ ng tao pero isang kanta lang ang binata.
Hangang-hanga ang katabi namin nang kumanta ang magdyowang Kim Molina at Jerald Napoles dahil hindi nila alam na singer sila, “ay ang ganda pala ng boses nila, syet ang taas,” ito ang komento ng katabi namin sa kanan na magsyota. At sa kaliwa ay panay ang video dahil ngayon lang niya napanood ang bida ng pelikulang Jowables.
In fairness din naman sa mga hindi nakakakilala sa kanila ay hindi naman kasi nakilala sina Kim at Jerald na singers maliban na lang kung maraming nakapanood sa kanila sa musical play na Rak of Aegis. Kasi naman sa pelikula at serye ay hindi naman kumakanta ang dalawa.
Ang swabe talaga ng boses ni Nyoy Volante puwede kang ipaghele sa awitin niyang Someday na sibayan naman ni Dennis.
Grabe, hiyawan to the max at sumakit ang tenga namin sa kasisigaw ng lahat na halos hindi na namin marinig ang kanta ni Alden Richards na medley ng kanta nang tatlong Boyband.
Abot-abot ang pasalamat ni Alden sa JenDen dahil, “fan ako nilang dalawa. Hindi ako fan dahil artista sila, hindi ako fan dahil magaling silang aktres at aktor, hindi ako fan dahil magaling silang mag-perform. Fan ako kasi tao sila, mabubuti silang tao, witness ako roon kapag kasama ko sila sa mga proyekto ko. Isa sila sa rare gems ng industriya kaya proud ako na nakasama ako sa (first-ever) concert nilang ‘CoLove’ kaya masaya ako na nandito ako ngayon. Sana maging inspirasyon sila ng mga artistang nagsisimula palang (sa career).”
Oo nga, saksi rin kami na noong nagsisimula palang sina Dennis at Jennylyn ay marunong na silang makisama sa lahat lalo na sa media at kahit na kaliwa’t kanan ang mga bira sa kanila dahil may mga naging palpak din silang desisyon sa buhay ay hindi sila nanita kapag nasusulat sila ng hindi maganda, bagkus ay nginingitian nila ang lahat ng makakasalubong nila kaya hindi naman kataka-taka kung ganito ang mga papuri sa JenDen tandem. At higit sa lahat, maski bad day o bad mood sila, hindi nila ipinararamdam sa lahat.
Kaya naniniwala kami na lahat ng pumupuri kina Dennis at Jennylyn ay totoo dahil base iyon sa nakitang ugali ng dalawa.
CoLove Live parang show sa comedy bars
Anyway, tungkol sa CoLove Live ay puwedeng patawarin ang JenDen sa mga napansin naming mali sa show dahil unang beses palang nilang sumabak sa concert kaya lang parang matagal na nilang pinaghandaan ito bakit hindi na-plantsa ng maayos?
Para kaming nanood ng show sa comedy bars na pagkatapos kumanta ng isa ay papasok naman ang susunod and so forth. Mabuti na lang at kilala ang lahat ng guests kaya hindi na kailangan ng introduction at ang daming dead air halatang nagkakapaan pa.
Wala ring spiels sina Jennylyn at Dennis, basta papasok sila sa stage at kakanta na lang at pagkatapos ay aalis at may iba namang magpe-perform.
Tinanong tuloy namin ang taga-production kung sino ang writer ng show dahil hindi ba niya ginawa ang trabaho niya?
Sabi ng kasama namin ay nasa direktor iyon ng show kapag hindi maganda ng resulta, mali po dahil susunod lang siya sa script at siya ang mag-e-execute kung paano pagandahin ito. Paano ie-execute kung walang matinong script?
Gets namin ang theme ng show, maganda ang plano nina JenDen bilang producers din, kuwento ito ng love story nila noong nagsisimula palang sila base na rin sa AVP.
Pero okay na rin dahil nairaos naman ang show at ang importante sa lahat, sold-out at kumita ang lahat ng producers bukod pa sa nabili na rin ang TV rights ng GMA 7 at ipalalabas sa Pebrero 29.
Siguro kung uulit pa sina Jennylyn at Dennis mag-produce ng show kumuha sila ng mga taong humahawak talaga ng malalaking concert dahil kahit mga nakapikit sila ay alam na nila ang gagawin.
FACT SHEET
ni Reggee Bonoan