OVERWHELMED ang direktor ng pelikulang Untrue na si Sigrid Andrea Bernardo dahil binigyan siya ng solo presscon ng Viva dahil hindi siya nakarating sa general presscon kamakailan.
“Sobrang touch ako Viva, hindi ko ini-expect na may sarili akong presscon, sobrang salamat,” sambit ng direktora nang makatsikahan namin siya kahapon sa Boteyju Restaurant sa Estancia Malls, Ortigas kahapon.
Anyway, ipinagmamalaki ni direk Sigrid ang Untrue dahil acting piece at directing piece ito para kina Xian Lim at Cristine Reyes dahil nagawa ng dalawa ang mga eksenang ipinagawa sa kanila.
Ayon kay direk Sigrid, ”nag-rehearse naman sila rito sa ‘Pinas bago sila umalis, they had 10 days rehearsal tapos pagdating din doon sa Georgia nandoon din ‘yung acting coach ko to guide them.”
Bakit nga ba sa Tbilisi, Georgia ginawa ang Untrue gayung marami namang ibang bansa na puwede na hindi nahirapan ang buong staff and crew plus sina Xian at Cristine na sabi nga ng direktora ay nag-zero 2 degrees at naospital siya dahil nag-blackout siya sa portable toilet sa sobrang lamig, bumaba ang potassium, at pinakain siya ng saging kaya umokey na ang pakiramdam niya.
“Kasi noong isinusulat ko ito, naghahanap ako ng bansang sobrang kaunti lang ang Filipino, tapos ‘yung photographer ko sabi sa akin, ‘why not in Georgia?’ Akala ko, Georgia the state, sabi ko ang dami-daming Pinoy doon sa Amerika, sabi niya, ‘hindi, Georgia the country.’ Tapos wala akong idea kung ano ‘yung Georgia the country tapos ni-research ko naging interested na ako, ‘yun nga ang ganda ng bansa at 30 Filipinos lang ang nandoon at ang mga trabaho ng mga Pinoy doon puro professionals.
“Head ng constructions, architects, walang mga domestic helper doon, kasi ‘yung suweldo sa Georgia halos pareho lang sa Pilipinas, kaya professionals ang mga nandoon o kaya asawa ng expat ganoon. Lahat sila na-meet ko, mga Filipino roon at tumulong sila sa shoot, nag-catering sila kasi siyempre ang pagkain sa Georgia masarap pero alam mo naman tayong mga Pinoy kanin at ulam, ito mga bread-bread kaya nami-miss agad ang Pinoy food,” paglalarawan ni direk Sigrid tungkol sa nasabing bansa.
Hindi naman nahirapan mag-shoot ang grupo ng Untrue dahil may counterpart production sila sa Georgia, ”ang ganda nga ng counterpart film production doon kasi bawat staff namin may mga assistant like assistant ng DOP (director of Photography), assistant ng assistant director, assistant ng production design at ako rin may personal assistant din. So, parang Hollywood ang style nila kaya hindi kami nahirapan. Sila na ‘yung mga bahala sa permits.”
Napagod sa romcom; dream ang suspense-thriller
Kumustang katrabaho sina Xian at Cristine, ”ni-require ko talaga silang magkaroon ng workshop at ‘yung physical transformation very important sa akin, tinapat ko naman sila, eh na ‘you have to look the part kung gusto ninyong gawin ang pelikula. Xian you have to gain 20 pounds kasi masyado siyang guwapo, model, malinis.’ Si Cristine sabi ko, hindi ako papayag ng wig kaya red hair siya at very important ‘yun. Kapag napanood ninyo ‘yung pelikula malalaman kung bakit important. So, it’s a non-negotiable deal lahat ang sinabi ko kina Xian at Cristine at pumayag sila kaya I’m very happy ha sobrang dedicated sila pati ‘yung mga workshop.
“Kaya I’m very proud of them during the shooting, hindi ko sinasabing madali silang idirehe dahil sila rin nahirapan. Kasi ‘yung shooting namin hindi chronological na sa isang eksena ganito, kaya baliw-baliw na rin sila. Kaya kailangan nilang mag-focus sa acting nila.”
Paano nga ba isinulat ni direk Sigrid ang Untrue, sino ang peg niya, personal experience ba niya ito o ng mga kaibigan niya?
“When you watch the film, wala naman akong ganoong experience baka sabihin n’yo naman grabe. Siguro after ng ‘Mr. and Mrs. Cruz,’ napagod na rin akong gumawa ng romcom, gusto ko naman iba. Every film ko naman iba kahit na love story, iba pa rin siya, sabi ko (sarili), sobrang dream kong gumawa ng suspense thriller and I’ve always want to challenge myself, so sabi ko after ‘Mr. and Mrs Cruz,’ completely iba naman.
“Tapos ‘yung inspiration sa kuwento is really about mental health issues. Bagama’t suspense thriller ito, ‘yung lalim niya is about mental health,” paliwanag ng direktora.
Untrue, best Viva film
Inamin din niyang hindi sina Xian at Cristine ang original na bida ng Untrue, ang Viva bosses ang nag-suggest na sila na lang noong hindi pwede si Claudine Barretto na aminado si direk Sigrid na ang script ay intended for Clau.
“Nag-meeting na kami, pareho kaming masaya at excited, eh, biglang hindi na, so wala akong alam na roon, sila na ng Viva ang nag-usap. Out na ako, move on na ako. In-adjust ko ang script for Xian and Cristine,” pag-amin ng direktor.
Hindi itinanggi ni direk Sigrid na may mga pikunang nangyari sa set dahil nga sobra niyang perfectionist at istrikto, ”sabi ko ‘yung mga drama nila sa buhay ilabas nila sa harap ng camera hindi off-camera. Wala akong pakialam sa ugali nila dahil iba rin naman ang ugali ko.”
At kaya sobrang higpit ni direk Sigrid ay para rin sa dalawang artista niya dahil kapag napanood ang pelikula ay sino ba ang pupurihin kundi ang mga bida ng Untrue.
“Kapag hindi maganda ang resulta sino ba ang mapupulaan, eh, di sila, kami, ako kasi sasabihin ‘yung direktor hindi marunong. At saka sa editing ako lang naman ang nandoon at ‘yung editor. Sino ba ang mahihirapan ‘di ba? Hindi puwede sa akin ‘yung ginagamot ang mga eksena gusto ko natural,” katwiran ni Sigrid.
Curious kaming panoorin ang Untrue dahil ayon na rin kay direk Sigrid ay proud siya sa pelikula nina Xian at Cristine, gayundin ang mga taga-Viva na best movie nila so far bukod pa sa kuwento rin sa amin ng mga nasa production na maganda nga at sulit ang hirap nilang lahat.
Bukas ay may special screening ang Untrue sa UP Cine Adarna for UP students at magkakaroon ng Question and Answer para sa mga artista at kay direk Sigrid.
May premiere night naman ang pelikula sa Estancia Mall Cinema 1, Estancia Ortigas sa Pebrero 17, Lunes at showing naman na sa Miyerkoles, Pebrero 19 handog ng Viva Films.
FACT SHEET
ni Reggee Bonoan