HINDI nakaligtas sa kamatayan ang isang Koreano nang mahulog sa ika-18 palapag ng isang condominium sa Taft Avenue, Maynila kahapon.
Dakong 12:00 am nang madiskubreng nakahandusay sa loob ng compound ng isang unibersidad ang biktima na inaalam pa ang pagkakakilanlan.
Masusing imiimbestigahan ng pulisya kung may nangyaring foul play, aksidente o sinadyang magpakamatay ng biktima na tinatayang nasa edad 40 pataas.
Sa report ng Manila Police District (MPD) Homicide Section, bagong lipat ang biktima kaya hindi pa siya kilala ng mga nakatira sa nasabing condo na katabi ng hindi binanggit na unibersidad.
Aalamin ng awtoridad ang mga CCTV sa lugar upang malaman kung may kasamang pumasok ang biktima sa compound.