MAKARAANG magpositibo sa African Swine Fever (ASF) ang karne ng baboy na ibinebenta sa isang supermarket sa Quezon City, sisiyasatin ng isang QC councilor kung paano nakalusot ang naturang karne nitong nakalipas na Holiday season.
Sinabi ni 5th District Councilor Allan Butch Francisco, nais niyang malaman kung paano nakalusot ang naturang karne ng baboy na hinihinalang may ASF at naibenta pa sa supermarket nitong nakalipas na Disyembre 2019.
Magugunitang pinagpapaliwanag ng Department of Agriculture ang National Meat Inspection Service (NMIS) matapos matuklasan ang mga karneng baboy na ibinebenta sa isang supermarket sa Quezon City na nagpositibo sa ASF.
Ayon kay Francisco, ang City Veterinary Office ng Quezon City ang nakadiskubre sa ASF-infected meat sa SM Cherry Supermarket sa QC nitong nagdaaang Disyembre 2019.
Nagtataka rin si Francisco kung paano nakalusot sa inspeksiyon ng NMIS ang mga naturang karne ng baboy na hinihinalang infected ng ASF gayong mahigpit ang kampanya ng pamahalaan laban dito.
Nabatid sa ulat, kumuha ang mga awtoridad ng QC Veterinary Office ng sample ng karne mula sa lahat ng chiller ng nasabing supermarket at ang karne mula sa isa sa mga chiller ang nagpostibo sa virus matapos ipasuri.
Kinompirma rin ng Bureau of Animal Industry (BAI) na nagpositibo sa ASF ang karne ng baboy.
Nais paimbestigahan ni Francisco ang kompanyang North Star, supplier ng karne ng SM Cherry Supermarket na nagpositibo sa ASF.
Pansamantala rin itinigil ng North Star ang kanilang operasyon para isailalim sa sanitation ang kanilang mga pasilidad.
Ayon sa Department of Agriculture, ang kompanyang North Star ang supplier ng karne ng SM Cherry Supermarket at nagpalabas na sila ng notice of closure rito.