MAGALING lang talaga sa pagpapalabas ng ‘if the price is right’ na press release (PR) ang mga tiwaling opisyal at tauhan ng Bureau of Immigration (BI).
Pero sa likod ng mga bayad na PR ay nakakubli ang malaking ‘Lihim ng Guadalupe’ – ang talamak na human trafficking at human smuggling sa ating mga airport na mabilis magpayaman sa mga mandurugas na opisyal at kawani ng BI.
Halimbawa, kapag nakasabat ng mula 3 hanggang 7 pasahero ang BI sa mga airport ay mabilis pa sa alas-kuwatro na nakabalandra ang balita sa media at animo’y ganap nang binuwag ang organisadong Mafia ng human trafficking at human smuggling sa mga paliparan ng bansa.
Sa katotohanan, siyempre, ang mga nagtangkang lumabas at pumasok ng bansa na hindi timbrado ang hinaharang ng mga tiwaling opisyal at tauhan ng BI na nakatalaga sa mga airport.
Kahit pala sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), buhay na buhay pa rin ang kung tawagin ay “escort service” ng BI.
Sabi nga, ‘alive and kicking’ ang escort service ng BI sa palusutan ng mga papasok at palabas na pasahero sa NAIA.
Kilala ba nina Department of Justice (DOJ) Secretary Menardo Guevarra at BI Commissioner Jaime Morente ang nagngangalang “Larry Hindoropot” na pasulpot-sulpot sa NAIA Terminal I?
Si Larry Hindoropot tirador cum ‘Ninja’ na kasabwat ng mga damuho sa Border Control and Intelligence Unit (BCIU) at Port Operations agents ng BI-NAIA Terminal I.
Bigla na lang daw lumilitaw ang “official escort boy” na si Larry Hindoropot sa NAIA T-I tuwing dagsa ang pasahero sa mga lalapag na airlines patungo at pabalik ng bansang Korea, China at India.
Lagi rin present sa NAIA T-I si Larry Hindoropot para siguruhin na makapupuslit ang mga Pinoy tourist workers patungo sa mga bansa sa Middle East na may existing ban sa deployment ng OFWs.
Sinisiguro rin ni Larry Hindoropot na makapapasok ang mga turistang Intsik na magtatrabaho sa mga lisensiyado at ‘di lisensiyadong Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa.
Si Larry Hindoropot na rin ang escort at tagahatid sa mga overstaying na Intsik at Koreano na papalabas ng bansa na hindi pinagbabayad ng penalty sa gobyerno.
Kasama sa raket ni Larry Hindoropot ang pagsalubong sa mga Bombay na ang kategorya ay kabilang sa restricted nationalities.
DEPLOYMENT BAN NG DH WA-EPEK SA RAKET NG BI
LALONG tataba ang bulsa ng mga tiwaling opisyal at tauhan ng BI sa ipinatupad na partial ban sa deployment ng domestic helpers sa bansang Kuwait kasunod ng pagkamatay ni Jeanelyn Villavende, isang Pinay OFW na tubong Cotabato.
Si Villavende umano ay pinatay ng kanyang babaeng employer sa Kuwait.
Pero habang ipinagluluksa ng kanyang mga naulilang mahal sa buhay, ang pagkamatay ni Villavende ay siguradong ipinagdiriwang naman ng masisibang opisyal at kawani ng BI.
Pabor kay Larry Hindoropot at mga kasabwat niya sa BI ang pagpapatupad ng partial ban sa deployment ng domestic helpers na OFW sa Kuwait.
Tagilid ang human trafficking business ng Pinoy tourist workers ni Larry Hindoropot at mga kasamahan niyang tiwali sa BI dahil sa napipintong pagsiklab ng digmaan na posibleng ilunsad ng Estados Unidos ng Amerika laban sa bansang Iraq at Iran.
Hindi kaya pinagpaplanohan na ng grupo ni Larry Hindoropot ang segway sa kanilang human trafficking business para sa diversion ng Pinoy tourist workers sa Kuwait?
Kapag may ipinairal na deployment ban, ibig sabihin ay apektado ang ekonomiya ng bansa dahil mababawasan ang kita ng pamahalaan mula sa dollar remittance ng mga lehitimong OFW.
Pero bakit kaya patuloy na binabalewala nina Guevarra at Morente ang human smuggling at human trafficking na hindi lamang talamak kung ‘di garapalan pa sa NAIA at mga airport sa bansa?
Santisima!
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09166240313. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
KALAMPAG
ni Percy Lapid