Friday , November 15 2024

Maligayang Pasko po, lola! (2)

SA FILIPINAS, narinig ang tinig ng mga lola pagkatapos ng 40-taong katahimikan.

Naganap ito dahil panahon na.

Bumuo ang Asian Women’s Human Rights Council (AWHRC) ng isang task force noong 8 Enero 1992.

Dahil sa pakikipagtulungan ng Gabriela at Bayan naging bukambibig na ang salitang “comfort woman.”

At nagtagumpay sila nang di-kaginsa-ginsa’y lumitaw isang Agosto ang isang lola.

Animnapu’t apat na taong gulang siya noon.

Buong tapang niyang isinalaysay ang kaniyang kuwentong hindi karaniwan.

Siya ang kauna-unahan noon.

Siya si Gng. Rosa Luna Henson.

Opo, siya na kinilala bilang “Lola Rosa” ng madla at media.

Inamin niya na isa lamang siya sa mga biktima ng panggagahasa sa loob ng garrison ng mga Hapon.

Nangyari ito matapos siyang tangayin sa Camp McKinley sa Balagbag, Taguig, Rizal habang siya ay namumulot ng mga kahoy para ibenta bilang panggagatong.

Naganap ito noong 9 Disyembre 1941, isang araw makaraang ideklara ang digmaan.

Masakit man itong gawin pero ginawa pa rin ito ni Lola Rosa.

At nagbunga naman ang paghihirap niya.

Nang kaniyang ikinuwento ang karanasan niyang umabot sa anim na buwan, isa-isa rin nagsilabasan ang iba pang lolang umabot sa 29.

Ito ay sa loob lamang ng dalawang buwang puno ng interbyu, dokumentasyon, rali, at iba pang aktibidad sa pamumumuno ng Task Force on Filipino Comfort Women (TFFCW).

Noong Marso ng 1993, dumalo si Lola Rosa sa kauna-unahang International Public Hearing on Military Sexual Slavery by Japan, na inorganisa mismo ng mga mamamayang Hapon.

Pagsapit ng Agosto, sa kauna-unahan ding pagkakataon inako ng gobyernong Hapon: “Japanese military was directly or indirectly involved in the establishment of and management of the comfort stations and the transfer of comfort women.”

Noong 1994, nabuwag na ang TFFCW.

At isinilang ang Liga ng mga Lolang Pilipina, o mas kilala bilang LILA Pilipina, sa ilalim ng patnubay ni Bb. Nelia Sancho ng AWHRC at Lola Amonita Balajadia na nagsilbi bilang mga tagapangulo samantalang si Atty. Jose Virgilio Bautista ang kanilang naging tagapayong legal.

Umabot sa higit-kumulang 100 ang mga kasaping lola.

Humingi ng paumanhin ang dating Prime Minister na si Tomiichi Murayama ng Japan na naglatag ng panukalang umabot sa $1 bilyon upang itayo ng  Asia Exchange Center para sa pagkakaroon ng “youth exchange” at “joint study program” bilang tugon sa kahilingan ng mga lola na magka-”legal redress.”

Tinanggihan ito ng mga biktima at ng mga grupong sumusuporta sa kanila.

Sa halip, isinulong muli ang pagkakaroon ng opisyal at komprehensibong imbestigasyon na magsisiwalat sa lawak at lalim ng pagkakasangkot ng mga Hapon sa mga tinatawag na “comfort system.”

Iginiit ang pagpaparusa sa mga kriminal ng gera.

Kinondena ang rebisyon ng kasaysayang Hapon.

At ipinaglaban uli ang kompensasyon sa mga comfort women.

Bago magtapos ang 1994, inirekomenda ng International Commission of Jurists (ICJ), makaraan ang imbestigasyon noong Abril ng 1993, na ang mga Hapon ay dapat umako sa moral at legal na responsibilidad sa kanilang mga krimen noong gera laban sa mga lola.

Ito ay sa pagbibigay ng “full reparations.”

Dahil dito, noong 1995, itinatag ang AWF na nakakalap ng 1 bilyong yen mula sa pribadong donasyon, indibiduwal at institusyonal, para sa mga lolang sana’y tatanggap ng 2 milyong  yen bawat isa.

Diumano, ito ay isang uri ng “atonement” at hindi “compensation.”

Humindi pa rin ang mga tagasuporta sa kampanya para sa mga comfort women sapagkat ang tingin nila sa AWF ay isang “substitute for legal compensation to avoid fulfilling its legal obligations of paying official reparations to the victims.”

Saksi ang Pebrero ng 1996 sa pagbubukas ng Lola’s House, isang proyekto ng AWHRC at LILA Pilipina, na magsisilbing pansamantalang tahanan ng mga lola “where they can feel at home.”

Pagdating ng Hunyo, nagsalita si Lola Amonita Balajadia, sa United Nations Working Group on Contemporary Forms of Slavery (WGCFS) sa Geneva, Switzerland.

Bilang tagapangulo ng LILA Pilipina, si Apo Itang, ang maituturing na kauna-unahang “Filipino comfort woman survivor” na nakapagsalita sa UN.

Kaya, isang araw bago ang ika-51 aniber­saryo ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nagbigay ng kompensasyon ang AWF sa apat na mga lolang tinanggap ang salapi isang araw ng Agosto.

Noon at doon nahati ang Lola’s House.

Upang liwanagin ang lahat, naglabas ang LILA Pilipina ng pahayag na “the unity of all Filipino survivors in the campaign for redress for all comfort women victims, with full recognition, respect, and support for the rights of individual survivors to make personal decisions for or against the AWF.”

Ang karamihan ng mga lola ay tinalikuran ang AWF noong 1996.

Maliban sa walo.

Kabilang na nga rito si Lola Rosa.

Si Lola Fe Hedia, dalawang linggo matapos tanggapin ang pera, ay namatay sa lymphoma.

Noong panahong ito, nagsaliksik ang sikolohistang si Cristina Gates at napatunayan niya ang di-mawala-walang trauma dala ng digmaan sa mga lola.

Ipinasa ang resulta ng nasabing pag-aaral sa Tokyo District Court bilang “expert witness testimony” noong Oktubre.

Sa kalagitnaan ng 1997, lumutang muli ang “1978 first-person account” ng dating Prime Minister  na si Yasuhiro Nakasone na nandoon mismo nang ginagawa ang comfort station sa Davao, noong siya ay isang naval officer ng Japan.

Sa kasamaang-palad, binawian ng buhay si Lola Rosa, dahil sa atake sa puso.

Dalawang buwan lamang ang pagitan nito sa pagyao naman ni Kim Hak Soon, ang kaniyang katapat sa Korea.

Nagkonsiyerto si Lolita Carbon noon na nakalikom ng P120,000 para paghati-hatian ng mga lolang nagkaroon noon din ng kanilang Christmas party.

KUMUSTA?
ni Vim Nadera

About Vim Nadera

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *