MAY iregularidad sa nabagong proseso ng technical working group (TWG) para sa pilot run ng motorcycle taxi.
Ayon sa civil society groups na orihinal na miyembro ng TWG, kataka-taka na bigla silang hindi isinali sa mga pagpupulong lalo na pagdating sa mga kritikal na usapin sa pilot run.
Nagulat sila nang may mga ulat na naglabasan na may rekomendasyon umano ang TWG at ito ang 6-buwang ekstensiyon sa pilot run ngunit mapabibilang umano ang ilang bagong motorcycle taxi operators.
Ibinahagi ni Atty. Ariel Inton ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) ang nasabing mga iregularidad sa kasalukuyang proseso ng TWG at kasama ang iba pang grupo ay humingi ng saklolo sa Senado at Mababang Kapulungan ng Kongreso upang imbestigahan ang nasabing mga kaganapan.
Bukod sa kaduda-dudang hindi pag-iimbita sa kanila sa ilang mga importanteng pulong ng grupo, ipinagtataka umano nila ang resolusyon ng ‘tanging’ apat na kinatawan ng TWG para sa extension ng pilot run at higit pa rito ang pagpapalahok sa ibang bagong motorcycle taxi operators.
Nagsampa ng petisyon ang civil society groups na bahagi ng TWG ngunit tila tinanggalan ng karapatang mapabilang sa mga pagpupulong para imbestigahan ng Senado at ng Kamara ang umano’y nagaganap na mga iregularidad.
Pinalagan ng grupo ang hindi makatuwiran at ‘secret meetings’ ng Department of Transportation (DOTr), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTRFB), Land Transportation Office (LTO) at Inter-Agency Council for Traffic (IACT), bago magpalabas ng resolusyon.
“Bakit hindi kami ipinatawag bilang isang buong grupo ng TWG? Bahagi kami ng orihinal na TWG na nagtrabaho upang masusing pag-aralan ang business model ng motorcycle taxi sa bansa,” ani Atty. Inton ng LCSP.
“Lagi kaming nagpa-follow up sa kanila at humihingi ng update sa pilot run pero walang ibinibigay na impormasyon sa amin,” dagdag ni Inton.
Nasa press briefing din kahapon sina Jason Salvador, Managing Director ng Legal Engagement Advocating for Development and Reform (LEADER), Atty. Victor Pablo Trinidad ng MMDA, at Ariel Lim na consultant sa tanggapan ni Sen. Grace Poe.
Ayon kay Lim, ang Senado ang siyang nagbigay ng “green light” para magkaroon ng pilot run ang nag-iisang awtorisadong motorcycle ride hailing app platform na Angkas.
Ngunit, ayon kay Lim, hindi naging madali ang proseso para sa Angkas dahil mahigpit ang pamantayang ibinigay ng iba’t ibang ahensiya para matiyak na ang operasyon ng motorcycle taxi ay ligtas.
Kaya, ani Lim, labis siyang nababahala kung bakit tila umano napakadaling payagan ang bagong mga motorcycle taxi operators na makapasok sa pilot run gayong hindi pa nagkakaroon ng resolusyon hinggil sa pamantayan.
“Wala kayang corruption dito? Kasi, hindi dapat gawing biro ang pagbibigay ng prankisa,” ayon kay Lim.
Binatikos din ni Lim ang tila ginagawang ‘pagnenegosyo’ sa pilot run.
“Negosyo na yata ang iniisip ng iba. Kung sino ang may pera, puwede nang sumali? Mahirap po ‘yan dahil buhay ang nakasalalay dito,” pagbibigay-diin niya.
Sinabi ni Lim, ang rekomendasyong isinumite ng DOTr, LTFRB, LTO, at IACT ay hindi kumakatawan sa buong TWG.
“Walang bisa ang magiging desisyon ng apat na miyembro lamang ng TWG dahil dapat ito ay pirmado at sinangayonan ng buong grupo,” ani Lim.
HATAW News Team