HINDI kasama ni Nadine Lustre ang boyfriend na si James Reid sa bagong talent reality format sa ABS-CBN, ang Your Moment kaya naman hiningan ito ng reaksiyon sa pagkakahiwalay nila ng trabaho.
“Like I said po before hindi naman po puwedeng parati kaming magkadikit, kailangan mayroon din kaming time mag-grow separately kasi lagi naman pong ganoon para at least ‘pag nagkaroon kami ng projects in the future, lahat ng tao ma-excite naman,” katwiran ng girlfriend ni James.
At sa pagiging isa sa hurado ay inamin ni Nadine na hindi madali para sa kanya.
“Honestly, mahirap mag-judge kasi lahat ng contestants napakagagaling kaya at the end of their performances, since very emotional na ako at sabi nga kung paano ‘yung emotional meter parang every after performance, kapag nagtatanggalan na sabi ko, ‘oh my God, sana hindi sila ‘yung natanggal!’
“Kaya lang siyempre mayroon at mayroong darating na mas magaling sa kanila kaya survival of the fittest talaga.”
Inilarawan naman ni Boy Abunda kung paano ang aktres bilang hurado, “Nadine has a very strong opinion, let’s be very honest kasi siyempre lahat kami madadaldal at from the very beginning, we made sure that she was heard kasi ‘yung baon niyang point of view ay iba.”
Nabanggit din ng dalaga na noong tanggapin ni James ang Idol Philippines bilang isa sa hurado ay humingi sa kanya ng tips ang boyfriend.
“Sa akin po siya humingi ng tips (sabay tawa kasama sina Billy Crawford at Kuya Boy). Kasi ‘di ba nag-judge rin po ako saglit sa ‘Ms Q and A’ (It’s Showtime), so tinatanong po niya ako kung paano ko nasasabi o napapansin ‘yung performance, paano mo naiisip kung ano ‘yung gusto mong sabihin o gusto mong i-comment. This was before pa –start palang ‘yung ‘Idol Philippines,’” pambubuking ng aktres.
Mapapanood na ang Your Moment sa Nobyembre 9 kasama sina Luis Manzano at Vhong Navarro bilang hosts; sina Boy, Nadine, at Billy naman ang mga hurado.
Magsisimula sa black and white ang bawat performance ngunit habang tumatakbo ito ay unti-unting magkakakulay at magkakailaw ang stage, samantalang tatlong beses namang kailangang magbigay ng score ang judges gamit ang ‘emotion meter knob’ mula sa pinakamababang score na 1 hanggang sa pinakamataas na 10. Lalabas din sa screen ang ‘emotion meter’ na ipakikita ang scores ng judges sa tuwing papatak sa tatlong ‘time markers’ (20 segundo, 60 segundo, at 90 segundo) ang performance.
Apat na levels ang kailangang pagdaanan ng acts sa kompetisyon bago tanghaling grand champion: ang Your First Moment, Your Moment of Choice, Your Moment of Power, at Your Grand Moment.
ni Reggee Bonoan