INIULAT ng mga opisyal sa Pangasinan na nagpositibo sa African Swine Fever (ASF) ang 15 mula sa 60 na baboy na ipinasok sa lalawigan mula sa Bulacan.
Ang naturang pahayag ay batay sa samples na nakuha sa mga baboy na galing sa bayan ng Bustos.
Nabatid na umiwas ang hog trader sa animal quarantine checkpoint na ipinapatupad sa mga entry points sa probinsiya.
Sinasabing dumaan ang magbababoy sa iba’t ibang bayan sa Pangasinan dala ang mga baboy mula Bulacan.
Nakarating ang mga baboy sa barangay ng Baloling sa bayan ng Mapandan na nagawang makalusot sa quarantine checkpoint.
Upang maiwasan ang pangamba ay idineklara kaagad ng mga opisyal na ground zero ng ASF ang nasabing barangay.
Nagpatupad ng ilang hakbang ang lokal na pamahalaan hanggang 10 kilometro ng barangay para matugunan ang epidemya.
Ayon sa mga awtoridad, inihahanda na ang kaukulang kaso laban sa magbababoy samantala nagsagawa rin ng culling o pagpatay sa mga baboy na may ASF.
(MICKA BAUTISTA)