SA HALIP tulungan at pagaanin ang trabaho ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte, lumalabas na pabigat pa ngayon itong si Transport Secretary Arthur Tugade sa ginagawa niyang trabaho sa Department of Transportation o DOTr.
Sa dami ng problemang kinakaharap ng kasalukuyang administrasyon, kailangan ni Digong ng tao na kanyang mapagkakatiwalaan at higit sa lahat ay iyong hindi magiging sakit ng kanyang ulo lalo na pagdating sa trabaho na iniatang niya.
Pero kabaliktaran itong si Tugade, imbes kasing makatulong kay Digong, problema pa ang ibinibigay sa pangulo tulad ng usapin sa transportasyon partikular ang malalang problema ng trapiko sa EDSA.
Kung ginawa lang kasi ni Tugade ang kanyang homework at kaagad nagpresenta ng comprehensive master plan sa Senado, malamang naibigay na ng mga senador ang hinihingi niyang emergency power para sa pangulo.
Uulitin lang natin, walang comprehensive master plan si Tugade!
Kaya nga, nakaaawa tuloy si Digong. Sa halip kasing ang pinagkakatiwalaan niyang mga kakampi ang humarap sa problema sa trapiko, si Digong pa ngayon ang napipilitang magsalita at magtanggol sa kanyang mga palpak na Cabinet members gaya nga ni Tugade.
Kung talagang mayroong malasakit itong si Tugade kay Digong, dapat ay gumagawa siya ng paraan para hindi na nadadamay pa sa mga kontrobersiya ang pangulo lalo na sa usapin ng malalang problema sa trapiko.
Sa kabila ng pagiging magkaibigan, at kaklase pa ni Digong sa San Beda si Tugade, lumalabas tuloy na parang ikinakanal pa niya ang pangulo. Sabi nga, suporta ang kailangan at hindi kapalpakan.
Sobrang malala na ang problema ng trapiko sa Metro Manila at hindi na kailangan pang makipag-away ni Tugade sa mga senador. Tanging gawin niya ang humarap nang maayos sa mga senador, at kausapin at iharap ang tunay na plano ng kanyang tanggapan.
Sa ginagawa ni Tugade, hindi lamang si Digong ang kanyang pinahihirapan kundi mismo ang milyon-milyong mamamayang mananakay na araw-araw ay nagpapakahirap sa paghihintay at nakikipagsiksikan sa mga sasakyan at natetengga sa trapiko patungo sa opisina at pauwi sa kani-kanilang mga tahanan.
At kung talagang tunay na kaibigan ni Tugade si Digong, at ayaw niyang ilagay sa kahihiyan ang pangulo, e ‘di mas mabuti sigurong lisanin na niya ang DOTr!
SIPAT
ni Mat Vicencio