INAKALANG lusot na, nang makalampas sa Bureau of Immigration (BI), pero biglang lumitaw ang paa ng isang sanggol mula sa sweat shirt ng isang babaeng American national kaya nabigong maisakay sa eroplano ang isisibat na umano’y pamangkin patungong Estados Unidos.
Nangyari ito kahapon ng umaga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3, base sa ulat ni Bureau of Immigration (BI) terminal 3 on-duty supervisor Allan Canonizado kay Grifton Medina, hepe ng NAIA Port Operation Division (POD) na kinasasangkutan ng babaeng American national na kinilalang si Jennifer Erin Talbot, 42 anyos, sinabing taga-Ohio, USA.
Ayon kay Canonizado, dumating si Talbot sa NAIA terminal 3 bago mag-6:00 am para sa kanyang 8:10 am Delta Air flight 180 patungong Estados Unidos via Narita, Japan.
Naipakita umano ni Talbot ang kanyang passport sa immigration officer pero ang sanggol na lalaki na halos, anim na araw pa lamang, ipinanganak nitong 29 Agosto 2019, ay itinago sa kanyang itim na hand carry luggage.
Bago makarating sa final X-ray machines, inilabas ni Talbot ang sanggol mula sa luggage saka sumailalim sa body search habang ang luggage ay isinalang sa X-ray saka mabilis na nagtungo sa pre-departure area habang hinihintay ang tawag para sa kanyang flight.
Sa pagkakataong ito, inakala ni Talbot na nakalusot na siya, ngunit biglang lumapit ang airline staff para hingiin ang kanilang passport at boarding pass, dahil nakita niya ang paa ng sanggol na lumusot sa sweat shirt ng Amerikana.
Pero walang naipakitang dokumento at boarding pass si Talbot para sa sanggol na lalaki na nais niyang ilusot patungong Estados Unidos.
Agad ipinabatid ng airline staff sa kanyang supervisor ang insidente at itinawag sa awtoridad kaya agad inimbitahan ng Immigration si Talbot para sa interogasyon.
Hindi sinabi ni Canonizado kung bakit dala ni Talbot ang sanggol na sinabing kanyang pamangkin.
Ipinasa si Talbot sa NAIA National Bureau of Investigation (NBI) Anti-Human Trafficking Division para sa imbestigasyon at kaukulang paghahain ng kaso.
Pansamantalang isinailalim sa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang sanggol hanggang lumitaw ang mga tunay na magulang na may kaukulang dokumento at pagpapatunay pero isasailalim din sila sa imbestigasyon. (JSY)