HINDI nakaligtas sa kamatayan ang isang babaeng negosyante na may-ari ng groceries store nang pasukin at makipagbuno sa holdaper sa bayan ng Norzagaray, sa lalawigan ng Bulacan kamakalawa ng gabi, 3 Setyembre.
Ngunit hindi rin nakatakas ang hindi kilalang holdaper dahil inabot siya ng ‘lumilipad’ na tangke ng liquefied petroleum gas (LPG) na ibinato sa kanya ng ‘helper’ ng grocery store.
Sa ulat mula sa Norzagaray Municipal Police Station (MPS), kinilala ang biktimang si Melanie Palad, may-ari ng grocery store sa Bayumbon St., Barangay Poblacion, sa naturang bayan.
Batay sa kuha ng CCTV na hawak ng mga awtoridad, dakong 7:00 pm pumasok ang holdaper sa tindahan ng biktimang si Palad.
Nagdeklara ng holdap ang suspek ngunit nanlaban si Palad at nagpambuno ang dalawa hanggang barilin ng holdaper ang biktima na kanyang ikinamatay.
Agad sumaklolo ang helper (hindi na binanggit ang pangalan para sa seguridad) na noon ay kapapasok lang sa trabaho at may pasan na tangke ng LPG.
Agad niyang inihampas ang tangke ng LPG sa holdaper pero nakakaripas pa ng takbo palabas ng tindahan.
Bago tuluyang makalayo, ubod lakas na ibinato ng helper ang tangke na tumama sa ulo ng holdaper na bumagsak na patay sa kalye.
Lumapit ang isang lalaking hinihinalang kasabwat ng nakabulagtang holdaper na binalibag din ng tangke ng helper ngunit nakailag nang akma nitong kukunin ang baril ng kasama.
Mabilis na tumayo at tumakbo papalayo ang kasama ng namatay na suspek habang nagpapaputok ng baril.
Kaugnay nito, naglaan ng pabuyang P.1 milyon si Norzagaray Mayor Fred Germar sa makapagbibigay ng impormasyon ukol sa pagkakakilanlan ng napatay na holdaper at sa kasama nitong nakatakas upang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ni Palad.
(MICKA BAUTISTA)