IPINAGMALAKI ni Vice Mayor Honey Lacuna kahapon na hindi na kailangan pang makipag-unahan ng Maynila sa itinakdang 60-day deadline para tumugon sa utos ni President Rodrigo Duterte na mabawi ang lahat ng mga kalye mula sa pribadong sektor dahil malinis na ito sa lahat ng uri ng ilegal na estruktura, may dalawang linggo na ang nakararaan.
Ayon kay Lacuna, nauna na ang Maynila sa pagsasagawa ng clearing operation sa lahat ng mga nakasagabal na ilegal na estruktura sa kalsada ilang araw matapos maupo bilang punong Lungsod si Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso.
Ang pagsasagawa ng sorpresang clearing operations sa mga kalyeng talamak sa obstruction na kinabibilangan ng Divisoria, Carriedo, Soler at Juan Luna ay labis na ikinatuwa nang marami.
Ayon kay Lacuna, ang mga nasabing kalye ay laging problema sa trapiko dahil hindi madaanan dahil barado ng mga vendor at ng kanilang mga paninda.
Ayon kay Lacuna, bago nag-State of the Nation Address (SONA) si Duterte, ay malinis na sa mga vendors ang nasabing mga kalye.
Dahil sa inisyatiba ni Mayor Isko, ay iniutos ng Department of Interior Local Government (DILG) sa lahat ng local government sa bansa ng 60 araw mula 29 Hunyo para linisin ang lahat ng uri ng sagabal sa kalye na ginagamit na paradahan at puwestohan ng mga vendor.
Binanggit ni Lacuna sa kanyang pakikipag-usap kay Isko, habang siya ang acting mayor, malinis na sa lahat ng obstruction ang tinaguariang ‘Mabuhay Lanes’ may dalawang Linggo ang nakararaan base sa ulat ni hawkers chief, ret. Col. Carlos Baltazar, Jr.
Sa ulat ni Baltazar, 100% clear na ang Mabuhay Lane at mahigpit na ipinapatupad ang ‘no vendor policy.’
Kabilang sa sakop mg Mabuhay Lane ang mga sumusunod na kalye: Matimyas, Plaza Noli, Fajardo, Vicente Cruz, Lardizabal, M. dela Fuente, Carriedo, Carlos Palanca, Padre Burgos,. Muelle del Blanco, Dapitan, C.M. Recto, Dagupan, Moriones, Maria Clara at A.H. Lacson streets; Roxas, Ayala at R. Magsaysay Boulevards; Taft at Quirino Avenues hanggang South Super Highway.