NAGHAHANDA na si Erik Matti na gumawa ng pelikula tungkol kay Mother Lily Monteverde, ang pinakasikat na babaeng producer sa bansa —at pwede rin siguro sabihing pinaka-prestigious, kahit na malamang na tutulan ng ilan ang giit na iyan.
Nagri-research interview na ang mga assistant ni Direk Erik ng mga tao na masasabing nakilala nang matindi si Lily Yu Monteverde sa iba’t ibang kapasidad at sa iba’t ibang panahon. Kailangan nila ‘yon para makabuo ng matindi at masustansiyang pelikula.
Ang anak ni Mother Lily na si Dondon Monteverde ang magiging main producer ng pelikula na wala pang titulong nabubuo at naibabando.
At parang wala pa ring napipiling gumanap na Mother Lily na tiyak isang napakakomplikadong character kaya’t napaka-challenging at napaka-interesting.
Sa isang huntahan sa mga katoto sa pagsusulat, lumitaw na alinman kina Pokwang, Charo Santos, at Vilma Santos ay bagay na gumanap na Mother Lily. ‘Di lang bagay, kundi kakayanin din.
Pero may mga katoto kaming naggiit na si Pokwang lang ang bagay sa hitsura, pangangatawan, kilos, at pagsasalita—kahit na morena ang kutis ng binansagang komedyante pero napakahusay din pala sa drama. (Alalahanin n’yong magwagi na siyang Best Actress sa 2018 Quezon City Film Festival para sa pagganap n’ya sa Oda sa Wala, sa direksiyon ni Dwein Baltazar.)
Kaya naman may mga nag-iisip na pwedeng mag-Mother Lily si Ate Vi eh dahil gumanap na ang napakapremyadang aktres bilang Chinese mestiza sa Baby Tsina na idinirehe ni Marilou Diaz Abaya.
Napakarespetadong aktres at TV executive ni Charo at siguradong pamilyar siya sa personalidad ni Mother Lily dahil ilang taon din siyang nagtrabaho sa Regal bilang executive ng kompanya.
At kung si Charo ang magiging bituin ng pelikula, tiyak na susuportahan ‘yon ng matinding TV promo na siyang kulang na kulang ngayon sa mga pelikula ng Regal na parang bigla na lang ipinalalabas sa mga sinehan.
Samantala, alam n’ yo na sigurong ang leading lady ni Vic Sotto sa 2019 Metro Manila Film Fest entry n’yang Mission Unstapabol: The Don Identity ay si Pokwang.
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas