BUMULAGTA ang isa sa riding-in-tandem makaraang maispatan ng isang pulis-Maynila ang panghoholdap ng dalawang suspek sa isang babae sa Guiguinto, Bulacan kamakalawa nang gabi.
Batay sa ulat ni P/Lt. Col. Joel Aparejado, hepe ng Guiguinto Municipal Police Station (MPS), binabagtas ni P/Cpl. John Michael Dela Cruz ang kahabaan ng lansangan sa Barangay Ilang-ilang sa naturang bayan nang makita niyang hinarang ng dalawang lalaking naka-motorsiklo ang isang pampasaherong jeep saka nilapitan at inagaw ang bag ng babaeng biktima.
Nabatid na tinangka pang humabol ng biktima sa mga holdaper na inawat ng pulis-Maynila at siya ang mabilis na nagresponde sa pagtugis sa mga kawatang naka-motorsiklo.
Nagkaroon ng habulan at unang nagpaputok ang mga suspek kung kaya’t ginantihan din sila ng pulis-Maynila hanggang matamaan ang isa sa kanila.
Nabatid na nakatakas ang kasamahan ng napatay na suspek na kasalukuyang pinaghahanap ng mga pulis-Guiguinto.
Nakuha sa napatay na suspek ang isang bag na pagmamay-ari ng biktima, motorsiklo, kalibre .38 baril, at basyo ng bala na ginamit sa pamamaril laban sa nagrespondeng pulis.
Papasok sa kanyang duty sa MPD Station 2 si Dela Cruz mula sa inuuwiang bahay sa Bulacan nang makita niya ang panghoholdap ng mga suspek at hindi nagdalawang isip na magresponde sa tawag ng tungkulin.
Kabilang si Dela Cruz sa Tactical Motorcycle Rider Units (TMRU) ng MPD PS2 sa ilalim ng pamumuno ni P/Lt. Col. Melvin Montante. (MICKA BAUTISTA)