TODAS ang isang drug pusher na miyembro rin ng isang carnapping group sa pakikipagbarilan laban sa mga kagawad ng Bulacan police sa pinaigting na kampanya kontra ilegal na droga kamakalawa, 10 Agosto.
Kinilala ni P/Col. Chito Bersaluna, provincial director ng Bulacan PNP, ang napatay na si Emerito Manuel, alyas Nene, nasa hustong gulang at residente sa Sitio Luwasan, Barangay Catmon, sa bayan ng Sta. Maria, lalalawigan ng Bulacan.
Batay sa ulat ni P/Lt. Colonel Carl Omar Fiel, hepe ng Santa Maria Municipal Police Station (MPS), si alyas Nene ay nakipagbarilan sa mga operatiba ng Drug Enforcement Unit (DEU) ng Santa Maria MPS makaraan ang isang transaksiyon sa droga.
Nabatid na nakatunog si alyas Nene na undercover agent ang katransaksiyon kaya bumunot ng baril at pinaputukan ang mga alagad ng batas na napilitang gumanti na ikinabulagta ng suspek.
Sa masusing pag-iimbestiga, napag-alamang si alyas Nene ay kilalang supplier ng shabu sa nasabing barangay at kanugnog-lugar.
Kabilang din siya sa PNP/PDEA drug watchlist ng Sta. Maria MPS.
Napag-alaman din na dating miyembro ng carnapping group na kumikilos sa Santa Maria at kalapit-bayan ang napatay na suspek.
Narekober sa crime scene ang siyam na pirasong plastic sachet ng shabu, isang kalibre .38 homemade revolver na walang serial number, at mga bala. (MICKA BAUTISTA)