HINDI nagtagumpay ang isang lalaki na gahasain ang isang natutulog na lola nang magising at manlaban sa suspek sa bayan ng Angat, lalawigan ng Bulacan.
Batay sa ulat mula kay P/Maj. Isagani Santos, hepe ng Angat Municipal Police Station (MPS), ang suspek sa tangkang panggagahasa ay kinilalang si Melvin Combis, 25 anyos, binata, at residente sa Pulong Tindahan Banaban III, Barangay Banaban, Angat.
Nabatid, dakong 12:15 pm kamakalawa, habang mahimbing na natutulog sa kuwarto, biglang nagising ang 70-anyos lola nang maramdaman na may nakapatong na mabigat sa kanyang katawan.
Nang imulat ang mga mata, nagulantang ang lola nang makita ang hubad na si Combis at pilit isinisiksik ang sarili sa kanya upang siya ay gahasain.
Sa kagustuhang maipagtanggol ang puri nanlaban ang biktima at puwersahang itinulak palayo sa kanya.
Ang kaguluhan sa pagitan ng dalawa ay narinig ng mga kasambahay ng biktima na agad sumaklolo at huling-huli nila sa akto ang kahalayang ginagawa sa matanda.
Tinangka ni Combis na tumakas pero naaresto na siya ng mga miyembro ng Angat MPS na agad nakapagresponde sa lugar.
Kasalukuyang nakakulong sa Angat Municipal Jail ang suspek na nahaharap sa kasong pananakit at ‘attempted rape’ sa lola.
(MICKA BAUTISTA)