Thursday , December 19 2024
Sipat Mat Vicencio

Si Allan at hindi si Alan

KAHIT na ano pang “spin” ang gawin ng mga propagandista ni Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano, ang speakership fight ay tapos na at mapupunta ang liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso kay Marinduque Rep. Allan Lord Velasco.

Makulit lang talaga itong si Cayetano, kahit na alam niyang ni katiting ay wala siyang pag-asang maging speaker, ipinagpipilitan pa rin niya ang kanyang sarili na maging lider ng mga kongresista.

Sa simula pa lang ng laban sa Kamara, ta­nging si Velasco at si Leyte Rep. Martin Romualdez ang pinagpipilian ng kanilang mga kasamahan sa Kongreso. Kakaunti ang botong makukuha ni Cayetano kung ihahambing sa suportang makukuha nina Velasco at Romual­dez.

At hindi pa ba sapat ang ginawa ni Digong nitong nakaraang Biyernes na imbes magdeklara ng magiging Speaker ng House ay hindi ginawa ng pangulo at ipinaubaya na lamang sa mga kongresista ang pagpili sa kanilang magiging lider.

Malinaw na iniiwasan ni Digong si Cayetano. Maaaring sabihin na ang hindi pagpili ng speaker ay tanda para hindi maakusahan si Digong ng pagpabor kung sino mang kongresista ang dapat na maging speaker.

Isang malaking dagok ang nangyari kay Cayetano. Hindi inakala ng kongresista na walang papangalanan si Digong. Ang huling baraha ni Cayetano para maging speaker ay naglahong parang bula.

Uulitin lang natin, hindi si Cayetano ang magbubuklod sa mga kongresista sa Kamara, at dahil dito, malinaw na hindi maisusulong ni Cayetano ang priority bills ng Ehekutibo na kinakailangang maipasa bago matapos ang termino ni Digong.

Bilang isang politiko, maraming naging kaaway at nasagasaan si Cayetano. Mismong si Davao City Mayor Sara Duterte at si Davao City Rep. Paolo Duterte ay hindi pabor kay Cayetano. Maging si dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, na masasabing malaki pa rin ang impluwensiya sa Kamara, ay hindi rin kasundo itong si Cayetano, at ni sa hinagap ay hindi susuportahan ang ambisyon ni Cayetano.

At tiyak din ang mga kaalayadong kongresista ni dating Vice President Jejomar Binay ay hindi susuporta kay Cayetano dahil na rin sa ginawa niyang panggigipit sa pamilyang Binay sa usapin ng Makati Parking Building.

Kaya nga, sa pagbubukas ng 18th Congress sa 22 Hulyo, pormalidad na lamang ang gagawin at  tuluyang idedeklarang speaker ng House of Representatives si Velasco.  Mananatiling kongresista si Cayetano pero bilang pam­palubag-loob malamang ay bibigyan ng committee chairmanship.

Pero kailangan bantayan din ang ginawang pagbabanta ni Cayetano kay Sara nang sabihin niyang tuluyang mabubuwag ang alyansa ng kasalukuyang administrasyon ni Digong kung magiging speaker si Velasco.

Abangan natin ang tapang at angas nitong si Cayetano kung ang kanyang sinasabi ay mag­kakatotoo. Pero ang malinaw sa ngayon, ang magiging speaker ay hindi si Alan kundi si Allan!

SIPAT
ni Mat Vicencio

About Mat Vicencio

Check Also

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Sa 3.6-M SSS pensioners, May 13th month naaaaa!!!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IKAW! Oo, ikaw my dear friend, isa ka ba sa 3.6 …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Victory Liner Inc., goes eco-friendly

AKSYON AGADni Almar Danguilan TAMA ang inyong nabalitaan, ang Victory Liner Inc. (VLI), ang top …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *