NAHATI at naipit sa gulong ng isang 14-wheeler truck, ang katawan ng isang babae nang masagasaan sa Quezon Boulevard southbound, malapit sa Central Market nitong Miyerkoles ng umaga.
Isang lalaki na pinaniniwalaang kasama ng babae ang dinala sa ospital.
Ayon sa Manila Traffic Division ng Manila Police District, nakasakay ang dalawang biktima sa motorsiklo nang mahagip sila ng isang pick-up dakong 5:30 am.
Tumilapon ang babae, humagis at bumagsak sa direksiyon ng truck kaya tuluyang nagulungan at nahati ang katawan malapit sa Alfredo Mendoza St., sa panulukan ng Quezon Boulevard malapit sa Central Market.
Nakarehistro sa isang Julius Mendoza Tevor ang motorsiklo.
Inaalam kung ang lalaking biktima ang siyang may-ari ng motor at kung ano ang relasyon nila ng nasawing babae.
Hawak ng pulisya ang driver ng trak na si Rey Ann Fajardo habang mabilis na nakatakas ang pick-up na nakasalpok sa motorsiklo.
Patuloy na iniimbestigahan ang insidente.