MULING nanawagan ang kampo ni Vice President Leni Robredo sa Presidential Electoral Tribunal (PET) na maresolba na sa lalong madaling panahon ang electoral protest na inihain laban sa kaniya ni Bongbong Marcos.
Ito ay matapos mapatunayan sa resulta ng initial recount, para sa tatlong probinsiyang pinili mismo ni Marcos, na lamang talaga si Robredo sa botohan.
Nitong Huwebes, 13 Hunyo, naghain ang abogado ni VP Leni na si Atty. Romulo Macalintal ng isang Urgent Motion, para manawagan sa PET na agad resolbahin lahat ng mga nakabinbing usapin tungkol sa recount, na natapos noong Marso.
Aniya, dapat maglabas na ng resolusyon tungkol sa muling pagbilang ng mga balota sa Camarines Sur, Negros Oriental, at Iloilo — na nagpapatibay sa pagkapanalo ni Robredo noong 2016.
Sa kabila ng paggamit ng 50-percent threshold sa naunang bahagi ng proseso, lumabas sa recount na matunog pa rin ang lamang ni Robredo sa tatlong probinsiya, kung saan siya nakakuha ng 1,536,030 boto.
Malaki ang agwat nito sa 200,467 boto para kay Marcos.
Sa kabuuan, nagtala si VP Leni ng 14,438,750 boto, na ang lamang niya ay umabot sa 279,215 boto, mas mataas pa sa winning margin niya nang iprinoklama noong 2016.
Idiniin ng kampo ni VP Leni, sa kabila ng maigting na pagtatangka ng kampo ni Marcos na lokohin ang publiko, lalo sa social media, tungkol sa nangyayari sa electoral protest, ang resulta ng recount ang nagpapakita na “game over” na para kay Marcos, dahil hindi siya nakakuha ng kinakailangang “substantial recovery” sa mga probinsiyang siya mismo ang pumili.
Ayon sa abogado ni VP Leni, inihain nila ang mosyon upang pasinungalingan ang paulit-ulit na pag-aakusa ng kampo ni Marcos at ng kanilang mga tagasuporta na si Robredo ang nagde-delay ng proseso.
“Gusto namin patunayan dito na hindi kami nagde-delay ng kaso. Kasi lumalabas na panay ang rally nila dito sa harapan ng Supreme Court na para bang kami ang nagiging cause of delay. Nais lang naming patunayan na nais din naming maresolba agad ang nasabing kaso, kasi kami ay naniniwala na wala namang nakitang ebidensiya ng pandaraya,” anang abogado ni VP Leni.