KASAMA ni Jimuel Pacquiao ang mama at tumatayong manager niya na si Ms Jinkee Pacquiao nang humarap siya sa mediacon ng BNYbilang bagong endorser.
Sa nasabing presscon ay natanong ang ina ni Jimuel kung ano-ano ang takot at panalangin niya para sa anak dahil hindi biro ang pangarap niyang maging boksingero tulad ng tatay niyang si Senator Manny ‘Pacman’ Pacquiao.
“Ang prayer ko sa mga anak ko, God fearing, maging humble kahit ano ang narating nila sa buhay at magalang silang lahat. Ang fear ko kay (Jimuel) kaso ayaw ko namang maging hadlang sa pangarap niya kasi ayaw ko namang magalit siya sa akin o kung ano pa ang isipin niya sa akin kaya susuportahan ko na lang siya, ‘yung prayers ko laging nasa kanya.
“Ang hirap talaga, kasi gusto ko si Manny lang, siya (Jimuel) gustong-gusto niya. Ganito ba talaga kapag mayroong isa o dalawa (boksingero) ano sa family na susunod sa mga yapak?” saad ni Ms Jinky.
Jinky, ‘di pa handang maging first lady
Samantala, nasolo naming tanungin si Ms Jinky tungkol sa balitang si Senator Manny ang pinaplanong patakbuhin para sa susunod na Presidential election kaya nag-aaral ngayon ang magiting na senador.
“Si Manny ngayon ay nagte-training hindi muna siya nag-ano (nag-aral), pero minsan, ‘yung pag-aaral kasi niya hindi tuloy-tuloy. Twice in a week ganyan, hindi ‘yung every day, ngayon training muna siya para sa laban niya sa July 20 (Keith Thurman na gaganapin sa Las Vegas, Nevada USA),” esplika ng wifey ni Pacman.
Inulit-ulit namin ang balitang si senador Manny ang pinatatakbo ng majority para sa pagka-Presidente pagkatapos ng termino ni Presidente Rodrigo Roa Duterte.
Natawa muna si Ms Jinky, ”wala pa naman, mayroon din kasing mga nagsasabi, pero ‘yun lang din ‘yung bulong-bulungan na dinig. Wala rin namang masyadong sinasabi si Manny, parang pinakikinggan lang niya kung ano ‘yung sabi ng iba, sabi lang niya, ‘if God willing, why not?’ parang ganoon.
“Hindi ko kasi alam mga plano nila sa politics, hindi ako masyadong (nakikinig), ‘pag may meeting sila, sila-sila lang ganyan,” kuwento ni Ms Jinky.
Handa na ba if ever na maging first lady si Ms Jinky, ”ha? Hindi ko pa alam! Ngayon I’m not ready yet siyempre kasi wala naman. Siguro kung nandiyan na, wala naman akong choice, eh, ‘di ba? To be ready para suportahan ‘yung mga advocacies niya.”
Mas feel maging boksingero kaysa mag-artista
Going back to Jimuel ay inamin niyang ilang beses siyang nagpaalam sa mama niya na gusto niyang maging boksingero at maging sa papa Manny niya ay ayaw siyang payagan noong una pero walang magawa kaya umokey na rin.
At bilang BNY endorser ay kaagad tinanggap ng binata ang offer dahil first time niyang magkaroon ng endorsement at ang pinaka-gusto niya ay, ”I will travel a lot for the promos.”
Siyempre sa mga travel promos ay makakasama ni Jimuel ang love of his life na si Heaven Peralejo na BNY endorser din simula noong 2017.
Ayon pa sa binatang Pacquiao, ”six months (relasyon) na po, pero bago naging kami matagal na kaming magkaibigan, matagal na kaming nag-uusap, kilala na namin ang both sides of the family.”
Unang girlfriend pala ni Jimuel si Heaven at talagang nanligaw siya ng pormal.
“Actually, maraming challenges po na pinagdaanan kasi first time ko rin pong manligaw talaga, super formal po talaga like kinausap ko ‘yung mommy niya, daddy niya, mga grandparent sa both sides, the whole family po, first girlfriend ko po.
“Well kasi first, friends kami, we know each other well na po at she’s so nice, pareho kami ng characteristics, swak po lahat,” kuwento ng binatilyo.
At suportado nina Jimuel at Heaven ang kani-kanilang careers lalo na’t magkaiba ang kanilang mundong ginagalawan.
Tulad din ng mama Jinky ni Jimuel, kabado rin si Heaven kapag may laban ang boyfriend niya.
Sa tanong kung may planong pasukin ni Jimuel ang showbiz, ”sa ngayon po wala kasi wala akong oras dahil puro ako training so, kulang po. Pero hindi hindi ko po isinasara ang door, ask na lang din si mama (Jinky), pero sa ngayon po kasi ay gusto ko talaga itong boxing.”
Sa Brent International School nagtapos ng high school si Jimuel at sa De La Salle University naman niya planong kumuha ng kursong Business Administration.
FACT SHEET
ni Reggee Bonoan