TALAMAK ang bilihan ng mga boto para sa pagka-speaker sa Kongreso kahit may mga panawagan na idaan sa prinsipyo ang pagpili ng ilalagay bilang pinakamataas na lider sa Kamara de Representantes.
Kamakailan, nagpalabas ng imbitasyon ang chief of staff (COS) ng isa sa mga kandidato sa pagka-Speaker, si congressman Lord Allan Jay Velasco, sa mga kongresista na sumaglit para sa isang “short meeting” sa penthouse ng Ramon Mitra building sa Batasan Complex.
Ayon sa imbitasyon ng COS ni Velasco, puwedeng sumaglit ang mga kongresista sa pagitan ng “10 am to 5 pm” ng 3 Hunyo, Lunes, sa naturang lugar at ang kanilang pagpunta para sa “short meeting” ay “will be greatly appreciated.”
Marami ang nagtataka kung bakit kailangan isa-isa pang harapin ang mga kongresista sa “short meeting” na ipinatawag ni Velasco, gayong puwede naman daw na isang malaking grupo ang pagpupulong sa kanila.
Dahil dito, kumakalat ngayon ang mga espekulasyon na may isang malaking ‘sikreto’ na ‘ibibigay’ sa mga kongresista kaya’t kailangang isa-isa imbes sabay-sabay silang imiting ni Velasco.
Matatandaan, noong nakaraang linggo, ibinunyag ni Davao del Norte congressman Pantaleon Alvarez na dalawa sa kanyang katunggali para sa pagka-speaker sa darating na Kongreso ay nagbubuhos ng pera sa mga kapwa kongresista para suyuin ang kanilang boto.
Hindi pinangalanan ni Alvarez ang dalawang kandidato sa pagka-Speaker, pero ayon sa kanya, nag-alok ang isa ng P500,000 kaya tinapatan ito ng isang kandidato — P1 million per congressman.
Si Velasco ay agad na nagpalabas ng pahayag na itinatanggi ang akusasyon ng vote buying kahit wala namang sinabing pangalan si Alvarez.
Si Leyte congressman Martin Romualdez, isa rin sa naghahangad na maging Speaker, ay walang naging pahayag.
Ayon kay Velasco, wala raw siyang ganoon kalaking perang ipapamudmod na P1 milyon kada congressman.
Pero ayon sa ilang source, kahit hindi maglabas si Velasco ng pondo ay matindi naman ang kanyang backer na isang higanteng tycoon.
Sinabi rin ng mga source na maraming congressman ang nadesmaya at nagalit sa mga balitang ito, dahil lumalabas na nakikialam ang tycoon sa mga isyu sa Kongreso na dapat ay mga mambababatas ang magpapasya.
Umaani ng suporta ngayon ang panawagan ni Taguig congressman Alan Peter Cayetano, isa sa mga pangunahing kandidato sa Speakership, na ibase sa prinsipyo ang pagpili ng susunod na Speaker ng Kamara.
Ilan sa mga sumuporta sa panawagan ni Cayetano ang mga kapartido niya sa Nacionalista Party tulad ni Camarines Sur congressman LRay Villafuerte, na nagsabing marami sa mga kapwa niya kongresista ang sumasang-ayon sa naging pahayag ni Cayetano kahit marami silang nababalitaang matinding vote-buying sa Kongreso.