HIGH school science schools, karamihan ay pinatatakbo ng local government units LGUs. Meaning, funded by the government mula sa kaban ng bayan. Ibig sabihin din uli nito ay libre ang matrikula.
Walang ipinagkaiba ang science schools sa regular high schools, parehong libre ang tuition fee pero, maraming magulang na nais makapasok sa science school ang kanilang mga anak na nagtapos sa Grade 6.
Bakit? Iba kasi ang science school – iba ang kurikulum ng eskuwelahan.
Lamang, bago makapasok sa isang science school ay kinakailangan paipasa ng mag-aaral ang entrance examination o qualifying examination.
Hayun, sinasabing tagisan ng medyo magagaling na mag-aaral ang labanan para makapasa. Bago rin kasi maka-qualify ang isang mag-aaral para sa entrance exam, kinakailangan magaganda ang grado nito sa grade 6 partikular ang kanyang math at science – kinakailangan hindi bababa ng 86% ang grade ng bata sa lahat ng subject lalo sa Math at Science.
Marami naman nakapapasok matapos pumasa o umabot sa cut off grade o score, pero mas maraming bigo pero hindi ibig sabihin na iyong mga batang nabigo mahinang klaseng mag-aaral at sa halip ang bawat bata ay may angking talino.
‘Ika nga ay mayroon pang mas magandang kinabukasan na naghihintay sa kanila.
Nais ng nakararaming magulang na makapasok sa science school ang kanilang anak dahil sa paniwalang makatutulong ito sa bata sa pagkokolehiyo. Ganoon din naman ang regular schools ha. Hindi po ba?
Sabi nga ng marami, maging ng inyong lingkod ay nasa mag-aaral na rin iyan at wala sa paaralan – science school man iyan o regular school, kapwa malaki ang naitutulong sa kinabukasan ng mag-aaral.
Ba’t natin tinalakay ang science school?
Kamakalawa kasi, nakatanggap tayo ng reklamo ba o impormasyon mula sa ilang magulang ng mga papasok sa grade 7. Ang iba, wala naman reklamo laban sa school o silid-aralan ng kanilang mga anak pero ang iba, nanibago sila lalo na iyong mga nanggaling sa pribadong paaralan ang kanilang mga anak.
Bagamat, expected naman daw nila ang uri ng paaralan – alam naman natin kapag funded by the government, karamihan ay masasabing “poor facilities.”
Well, tanggap na raw nila iyon.
Ngayon, heto ang siste na nangyari sa ilang magulang sa ilang science school. Nagpaparinig daw ng ilang guro o adviser sa mga magulang lalo sa mga schools na may problema sa facilities.
Habang naglilinis sa ginanap na brigade, hayun sinasabi o nagpaparinig ang ilan guro na… “baka gusto niyo pagandahin ang eskuwelahan o ang classroom ng inyong mga anak.”
“Itong room na ito dati ay hindi naka-tiles pero nag-usap-usap iyong mga magulang ng mga dating gumamit ng room na ipagawa nila.”
Ito lang ba ang mga parinig, marami pa. Heto pa… “Iyong isang classroom nga rito ay inayos mabuti ng mga magulang. Nilagyan o nag-donate pa sila ng projector.”
“Mag-usap-usap kayo mommy at daddy… puwede din niyo lagyan ng kurtina ang mga bintina.”
Ayos ano! Siyempre, sino naman ang magulang na gustong mahirapan ang anak sa pag-aaral? Wala, hindi po ba?
Ang tanong tuloy ng mga magulang, hanggang saan ba ang suporta ng LGUs sa kanilang pinatatakbong science schools?
Oo, nga’t libre na ang lahat pati libro pero, huwag naman sana pabayaan ang pasilidad ng mga paaralan. Nakapahirap naman po kasing mag-aral kung kulang sa pasilidad ang isang paaralan.
Tanong din tuloy ng mga magulang, ito ba iyong itinatanong sa kanila sa araw ng interview para sa anak at magulang na… “Mommy/daddy, willing po ba kayong suportahan ang inyong anak sa lahat ng project research at iba pa…kasi, pinutol na ng local government ang pondo para sa projects?”
Naturalmente, ang isasagot ng magulang ay “oo.” Ngunit, ang tanong nga ay kasama ba ang pasilidad sa sinasabing “are you willing to support your child’s projects – expenses for their projects?”
Anyway, ‘ika ng ilang teachers ay donations naman daw ito at hindi rin sila ang humahawak ng ano man malikom na pondo para sa expenses para sa classroom/school improvement.
Attention DepEd Secretary Leonor Briones, your attention is badly needed.
AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan