APAT na Filipino films ang nagkamit ng international recognition sa ika-52 Worldfest-Houston International Film Festival na ginanap noong Abril 13 sa WorldFest Remi Awards Gala sa HQ Westin Hotel sa Houston, Texas.
Ang period film ng ABS-CBN na Quezon’s Game ni Matthew Rosen ay nag-uwi ng Best International Feature at ang Metro Manila Film Festival (MMFF) 2018 Best Picture na Rainbow’s Sunset ni Joel Lamangan na tumanggap ng Special Jury Prize. Ang Cinemalaya 2018 film namang School Service ni Louie Ignacio at ang award-winning short film na Judgement ni Raymund Ribay Guttierez ay nanalo ng Gold Remi Awards.
Nasungkit din ng Quezon’s Game ang Special Jury Award at Gold Remi Awards para sa Best Art Direction at Best Director.
Samantala, tumanggap naman ng Gold Remi Award para sa Best Story Innovation ang Rainbow’s Sunset screenwriter na si Eric Ramos. Pinarangalan naman sina Eddie Garcia at Tony Mabesa bilang Best Actors para sa kanilang pagganap sa Rainbow’s Sunset.
Alinsunod sa layunin nitong itaguyod ang mga pelikulang Filipino at talents nito sa buong mundo, ipinagmamalaki ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) ang tagumpay ng Filipino films at film personalities na nanalo sa Worldfest-Houston International Film Festival.
“Isang karangalan na makita ang mga pelikula natin na nare-represent at nabibigyan ng international recognition. Ang tagumpay ng Filipino films, filmmakers, at actors sa Worldfest-Houston International Film Festival ay malaking tagumpay para sa atin, at masayang-masaya kaming tuloy-tuloy ang pagbibigay nila ng karangalan sa ating bansa at sa ating local film industry” sabi ni FDCP Chairperson and CEO Mary Liza Diño.
Ang Worldfest-Houston International Film Festival ang oldest independent film festival sa mundo at ang pangatlong longest-running international film festival sa North America, kasunod ng San Francisco at New York.