IPINALABAS na noong nakaraang taon ang implementing guidelines ng National Student Loan Program (NSLP) ngunit hindi pa rin ito naisasakatuparan, kaya’t Ang Ang Probinsyano Party-list ay hinihikayat ang mga ahensiya ng gobyerno na gawin itong prayoridad para maumpisahan na.
Ayon ay Alfred Delos Santos, nominee ng Ang Probinsyano Party-list, “Ang pag-uumpisa ng programang ito ay dapat maging prayoridad dahil ang kinabukasan ng libo-libong mga kabataan ang nakasalalay dito.”
Ang NSLP ay kabilang sa Universal Access to Quality Tertiary Education Act (Republic Act 10931, Section 8) na isinabatas noong 3 Agosto 2017.
Nararapat sana ay isasagawa ito katuwang ang mga banko at iba pang institusyon tulad ng Social Security System (SSS).
Sa NSLP, ang estudyante ay makapag-uumpisang magbayad ng kanyang inutang pangmatrikula kapag siya ay may trabaho na at kapag mataas na ang kanyang sinasahod.
Ang pagbabayad ng kanyang student loan ay awtomatikong ibabawas sa kanyang suweldo kasabay ng kanyang bayad sa SSS.
“Naniniwala po tayo na ang NSLP ay makakatulong sa maraming maralitang pamilyang Filipino, lalo na ang mga nasa probinsiya,” dagdag ni Delos Santos.
“Dapat natin silang iprayoridad dahil kulang ang kanilang pantustos, madalas kinakailangan nilang laging pumili, papapasukin ba sa eskuwelahan ang bata o bibili sila ng pang-araw-araw nilang kakanin. Sa NSLP, ang mga magulang ay magiging kampante na makapag-aaral pa rin hanggang kolehiyo ang kanilang mga anak at magkakaroon sila ng mas magandang kinabukasan.”
Ayon sa report noong Nobyembre ng nakaraang taon na inilabas ng principal author at sponsor ng batas na si Albay Rep. Joey Salceda, ang NSLP ay hindi naimplementa dahil sa kakulangan ng pondo. Maliit na bahagi lamang ng P1 bilyong initial allocation ang nailaan para sa programa.
“Hindi po ‘yan katanggap-tanggap,” ani Delos Santos. “Maghahanap po tayo ng paraan para mapondohan ang programa, ‘yan ang ating agenda.”
Ang mga isusulong na batas ng Ang Probinsyano Party-list ay nakasentro sa pag-angat ng pamumuhay ng ating mga kababayan at paglalapit ng mga serbisyo ng gobyerno sa mga ordinaryong mamamayan lalo ang mga nasa probinsya.
“Siguraduhin po natin na ang mga probinsyano ay hindi mahuhuli. ‘Yan po ang ating pagsisikapan kapag pinalad po tayong makaupo sa kongreso,” pagtatapos na lahad ni Delos Santos.
Isang dahilan ang pagiging pro-edukaysong adbokasiya kaya inendoso ng sikat na aktor na si Coco Martin ang Ang Probinsyano Party-list. Inilinaw niya na ang Ang Probinsyano Party-list lamang ang kanyang sinusuportahan dahil naniniwala siya sa mga adhikain nito para sa mga mamamayang Pilipino lalo ang mga probinsyano.