DUMALO si Senadora Grace Poe sa Angkas “Safety Fiesta” sa Lungsod ng Maynila kamakalawa at nangako siya na pabibilisin ang panukalang batas na papayag sa motorsiklo bilang moda ng tranportasyon.
“Alam ko nakasalalay ang inyong hanapbuhay dito sa prangkisa sa Senado. Alam ba ninyo na isa ako sa mga pinakamabilis magtrabaho ng prangkisa sa Senado? Ang akin lang, sinisiguro ay ligtas ang ating mga kababayan at pati kayo,” sabi ni Poe sa harap ng mahigit 4,000 Angkas riders.
“Sa laban sa traffic at kahirapan, gusto natin ang solusyong ligtas, mabilis, at makatuwiran ang halaga,” dagdag ni Poe. “Suportado natin ang motorcycle riding community sa kanilang adhikaing maghandog ng serbisyong episyente sa abot-kayang halaga, sa kondisyong ito ay ligtas para sa pasahero. Kung pagtitiwalaan ninyo ako muli, papaspasan ko ang pag-aaral para sa prangkisang maghahatid nang mas maganda, mas mabilis, at mas abot-kayang ligtas na transportasyon para sa lahat.”