HINDI matutuloy ang planong pagpapasara at pagsasaayos ng bahagi ng Marcos Bridge na nasa pagitan ng Marikina City at Pasig City na unang iniskedyul sa Sabado, 4 Mayo, 11:00 pm.
Ipinagpaliban ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa loob nang isang linggo ang plano na sisimulan ang pagpapasara ng eastbound portion ng tulay sa 11 Mayo, isang linggo ang pagitan sa orihinal na iskedyul.
Nagpasya ang MMDA na i-delay ang road closure kasunod ng coordination meeting kasama ang Department of Public Works and Highways (DPWH), pribadong contractor, at SM Marikina ngayong araw.
Sa isinagawang inspeksiyon ng MMDA, nadiskubre na hindi pa handa ang pribadong contractor para simulan ang Marcos Bridge Rehabilitation Project na makaaapekto sa mga motorista at pasahero sa silangang bahagi ng Metro Manila.
Magbubukas ang pribadong contractor ng intersection para sa trucks na dumaraan sa lugar; maglalagay ng traffic signal para sa mga truck mula sa Libis at papuntang Katipunan sa Quezon City; magbubukas ng slot sa median island para sa mga magmumumula sa Cubao pa-Antipolo at maglalagay ng signages na magpapaalam ng proyekto sa publiko.
Isang linggong palugit ang ibinigay ng MMDA sa contractor para makompleto ang mga kinakailangang paghahanda upang maiwasan ang posibleng maging epekto sa trapiko.
Una nang sinabi ng MMDA, ang pagsasara ng tulay ay magtatagal nang apat hanggang limang buwan.
(JAJA GARCIA)