MAPAPANOOD ng Pinoy boxing fans ang isa sa pinakamahusay na Pilipinong boksingero ngayon na si Jerwin “Pretty Boy” Ancajas sa kanyang laban kontra kay Ryuichi Funai sa Linggo (Mayo 5) para sa IBF Superflyweight World Championship.
Live na ipalalabas sa ABS-CBN S+A ng 10 am ang bakbakan mula sa Stockton Arena sa California, USA para sa unang pagpapakitang-gilas ni Ancajas sa sports channel ng ABS-CBN.
“Malaking opportunity na maipalabas sa pinakamalaking network. Siguradong mapapanood na nila ang laban ko sa amin sa Davao,” bahagi ni Ancajas sa ABS-CBN Sports noong press conference niya noong ika-11 ng Abril, kung saan inanunsyo ang pagsasanib-pwersa ng ABS-CBN Sports at ng kanyang mga promoter.
Dalawang taon nang namamayagpag si Ancajas (30-1-2; 20 knockouts) sa kanyang dibisyon at anim na beses nang naidepensa ang korona mula 2016. Ika-pitong susubok si Funai, na may baong 31-7-0 rekord at 22 na knockout.
Sasandalan ni Ancajas, na tumabla kay Alejandro Santiago Barrios sa kanyang huling laban, ang kanyang husay sa technical boxing pati na ang kanyang pambihirang lakas laban kay Funai, na sa huling tatlong laban ay pinatulog ang kanyang mga kalaban.