NANGUNGUNA sa tatlong magkakahiwalay na online poll survey sa pamamagitan ng social media ang dating alkalde ng Parañaque City.
Lumalabas sa resultang isinagawang survey ng Election Watch PH 2019, The Leader I Want at Filipino Online Poll sa pamamagitan ng Facebook, nanguna si dating Parañaque City Mayor Florencio “Jun” Bernabe, na tumatakbong alkalde sa nabanggit na lungsod ngayong nalalapit na halalan sa 13 Mayo.
Katunggali ni Bernabe sa pagka-alkalde si incumbent Mayor Edwin Olivarez.
Ayon sa kampo ni Bernabe, nagkamit ng 4,000 boto, na malaki ang lamang sa kanyang katunggali.
Ang nasabing online poll survey ay isinagawa mula 27 Marso hanggang 18 Abril 2019.
Ayon sa Election Watch PH 2019, nagsimula ang survey noong 19 Oktubre 2018 at natapos noong nakaraang Marso, na nagkamit ng 61% boto si Bernabe, samantala si Olivarez ay nagkamit ng 39% boto.
Sa Leader I Want na isinagawa noong Enero 2019, nanguna pa rin si Bernabe. Ang resultang ito aniya ay batay sa mahigit 11,100 boto mula sa netizens.
“Muli akong nagbabalik sa serbisyo publiko dahil sa mga hinaing ng aking kapwa Parañaqueño. Gusto ko silang tulungan at bigyan ng serbisyong nararapat sa kanila. Bukod dito ay ipagpapatuloy ko rin ang aking naumpisahan para sa Parañaque,” ani Bernabe. (JAJA GARCIA)