MASASABING isang ilusyon o isang kahibangan lamang kung inaakala ni Sen. Cynthia Villar na siya ang tatanghaling number one sa senatorial race ng midterm elections na nakatakda sa darating na 13 Mayo.
Bagama’t nakaungos si Cynthia sa pinakahuling resulta ng Pulse Asia senatorial survey, hindi nangangahulugang ito na rin ang magiging resulta ng halalan at makukuha na niya ang numero unong puwesto.
Kung tutuusin, balikatan ang laban nina Cynthia at Sen. Grace Poe, at malamang na makigulo pa si dating Senator Lito Lapid sa mga ipinakita ng mga survey ng Pulse Asia at Social Weather Stations (SWS).
Kung pagbabasehan ang lakas ng dalawang babaeng kandidato, nakalalamang si Grace kay Cynthia dahil na rin sa nakasalig ang lakas ng senadora sa mga tagahanga ng kanyang yumaong amang si Fernando Poe Jr.
Hanggang ngayon, hindi maikakaila na si FPJ pa rin ang nagdadala ng kandidatura ni Grace.
Sa mga probinsiya, ang lakas ni FPJ ay hindi matatawaran, at kahit sabihing namayapa na ang kanilang idolo, patuloy na buhay sa kanilang alaala si Da King.
Samantala si Cynthia, bagama’t masasabing maraming proyektong pangkabuhayan, hindi naman tumatatak sa taongbayan at bagkus ang mga kontrobersiyang kinakaharap ng senadora ang madalas na nauungkat.
Simula sa isyu ng unli-rice ban, room nurse, rice tariffication, pagtulog sa National Land Use bill at ang palpak na mga pabahay ng pamilyang Villar na patuloy na inirereklamo ng house owners ang bumubulabog sa kandidatura ni Cynthia.
At kung sinabing ang pukpukan ay sa pagitan nina Grace at Cynthia, isang kandidato naman ang malamang na maungasan ang dalawang senador sa katauhan ni Lito. Kung pagbabasehan ang mga survey, unti-unting dumidikit si Lito, at ngayon ay nasa pangatlong puwesto na ng Pulse Asia survey.
Sa kabila ng marami rin kontrobersiyang kinakaharap ng dating senador, hindi siya nawawala sa mga survey dahil na rin sa sinasabing paglabas niya sa “Ang Probinsyano” na pinagbibidahan sa telebisyon ni Coco Martin.
Ang bangis ni “Leon Guerrero” ang siyang naging susi para hangaan at lalong maging popular si Lito at manatili sa Magic 12. At ngayon, lumalabas pang kaagaw ni Grace si Lito sa pagiging number one sa magiging resulta ng halalan.
Pero sabi nga, ang sukatan ng panalo at pangunguna sa senatorial race ay mismong sa araw ng bilangan ng halalan, at dito malalaman ang lakas ni FPJ sa dalawang makakatunggali ng kanyang anak na si Grace.
SIPAT
ni Mat Vicencio