NAALARMA ang isang non-governmental organization (NGO) sa isang insidente na anila’y pambababoy ng isang punenarya sa bangkay ng isang lalaking inilipat sa kanila para sa libreng pagpapalibing sa Quezon City.
Ayon kay Group of Unified Youth for Social Change-Aktibong Kabataan Alyansa sa Pag-unlad (GUYS-AKAP) founding member at adviser, barangay chairman Rey Mark John “Mac” Navarro, “hindi porke patay na ang isang tao ay puwede nang babuyin ang bangkay, kahit ito wala nang buhay, nararapat na sila’y mabigyan ng dignidad at disenteng libing.
Ang pahayag ay ginawa ni Navarro, matapos dumulog sa kanilang tanggapan si Reggie Caponpon, residente sa Barangay Bahay Toro, Quezon City upang ireklamo ang umano’y pambababoy ng isang punerarya sa bangkay ng kanyang kapatid.
Sinabi Reggie, kapatid ng namayapang si Alvin Caponpon, nababoy ang labi ng kanyang kuya nang ilagak sa punenarya na ka-tie up ng programang libre palibing ng isang mambabatas.
Aniya, kahabag-habag umano ang sinapit ng kanyang kuya sa naturang punerarya nang ilapag ang bangkay nito sa lupa ng mga tauhan ng punerarya na walang ID, naka-tsinelas, nakahubad , walang mask at walang gloves.
“Nakita ko po na inilapag ng mga tauhan ng punerya sa lupa ang kuya ko sa parking lot may sampung bahay ang layo sa opisina ng punerarya at ‘yung mga nag-aasikaso walang gloves, walang mask, walang ID at mga nakahubad.
Umaalingasaw ang gamot, napaka-unsanitary ng lugar at inilagay muna ang kuya ko sa lupa bago inilipat sa sasakyan para dalhin sa chapel na pagbuburulan ng kuya,” pahayag ni Reggie.
Nanlumo rin aniya ang kanyang pamilya sa pangyayari dahil ang coordinator mismo ng mambabatas ang lumapit sa kanila na bibigyan nang maayos at libreng palibing pero kabaliktaran ang nangyari.
“Akala namin mabibigyan kami nang libre at maayos na serbisyo at pagpapalibing ng aming kuya dahil lumapit sa amin ang isang coordinator (ng mambabatas) pero pinabayaaan kami at binaboy ang kuya ko at ginigipit kami na bumili ng kabaong para mabilis ang serbisyo,” ani Reggie.
Nakita rin ng kanyang pamilya ang kuya niya habang dinadamitan saka isinakay sa L300 van na pinatungan ng dalawang dos por dos na kahoy at sa ibabaw nito ay nilagyan ng isang kabaong na pagmamay-ari ng ibang kliyente ng punerarya.
Aniya, akala nila ay libre ang serbisyo ng punerarya sa kanila batay sa pangako ng coordinator ng mambabatas pero bukod sa pinabibili sila ng kabaong na P10,000 ng punerarya ay may babayaran pa silang P25,000 funeral service.
“Lumapit ‘yung coordinator (ng mambabatas) sa amin at sabi libre ang palibing at service ng asawa ko dahil may programa raw para roon pero pangako lang pala un na napako lang, ginigipit kami ngayon ng punerarya na magbayad agad sa kanilang serbisyo sa amin e sobrang pangit ng serbisyo nila? pahayag ni Grace Caponpon, asawa ng namatay na si Alvin.
“Isa na lang ang kulang sa requirements namin ‘yung indigency certificate para maayos ng SSDD ng QC hall ang utang namin sa punerarya pero ang tanong namin, nasaan na ang pangakong tulong? Bakit nawala na sila ngayong kailangan namin sila?” sabi ng pamilya.
Ayon sa GUYS-AKAP, pag-aaralan nila ang reklamo ni Caponpon at idudulog sa kanilang legal team para kaagad itong mabigyan ng legal na ayuda sakaling makitaan ng “probable cause” ang reklamo.
Binalaan din ng grupo ang mga residente ng lungsod na mag-ingat sa mga programang nag-aalok ng libreng palibing upang hindi matulad sa sinapit ng pamilya Caponpon.
Ang GUYS-AKAP ay lokal na sangay ng GUYS Movement na pambansang koalisyon ng mga organisasyon at lider-kabataan na naniniwalang ang tunay na pagbabago ay nagsisimula sa ating mga sarili.