NAMATAY ang chairman at founder ng LausGroup of Company nang bumagsak ang pribadong helicopter na kanilang sinasakyan sa isang fishpond sa lungsod ng Malolos, lalawigan ng Bulacan kahapon, Huwebes ng tanghali.
Kinompirma ni Bulacan Gov. Wilhelmino Sy-Alvarado, isa si Liberato “Levy” Laus sa tatlong binawian ng buhay matapos bumagsak sa Barangay Anilao ang helicopter na may body marking na RP C8098.
Namatay din ang piloto ng helicopter at patuloy pa rin ang pagsisiyasat ng mga awtoridad upang malaman ang pagkakakilanlan ng iba pang pasahero.
Chairman Emeritus si Laus, 68-anyos ng Pampanga Chamber of Commerce and Industry at isa sa mga organizer ng Save San Fernando Movement na nagtulak upang matuloy ang konstruksiyon ng FVR Megadike sa gitna ng mga planong ilikas ang mga Kapampangan mula sa Pampanga patungong Palawan.
Ayon kay P/Col. Chito Bersaluna, Bulacan police director, hindi pa nila alam kung saan galing ang helicopter at kung saan ang destinasyon nito.
ni MICKA BAUTISTA