I was not given a day off. I was not even allowed to peek outside a window or step outside the door.
— Jean, a Pinay migrant worker in Saudi Arabia
TULAD ng isang atletang nahapo sa kalalangoy sa dagat, mabuti na lamang at nasasagip pa tayo ng ating magigiting na overseas Filipino workers (OFWs) sa abroad sa kanilang malaking kontribusyon sa ating ekonomiya nitong nakaraang taon.
Ayon sa April 2019 Migration and Development Brief ng World Bank, tumanggap ang ating bansa ng aabot sa mahigit US$33.8 bilyon, o P1.5 trilyon — ang ika-apat na pinakamalaking remittance mula sa mga migrant worker sa 2018.
Nanguna ang bansang India sa tinanggap nitong mahigit US$78.6 bilyon, kasunod ang Tsina sa US$67.4 bilyon, at Mexico sa US$35.7 bilyon.
Binigyang-pansin ng World Bank na kahit pa tumaas ang remittances nitong 2018 ng 3.1 porsiyento, mas mababa pa rin ito sa napatalang 5.4 porsiyentong paglago noong 2017.
Ito ang humatak sa Filipinas pababa nang isang antas mula sa ikatlong posisyon noong 2017.
Ipinaliwanag ng World Bank na ang pagbaba ng paglago ay dahil sa “significant drop ng 15 porsiyento sa mga private transfer mula sa Gitnang Silangan noong 2018.”
Gayonman, nakikita ng World Bank na makatutulong sa ating ekonomiya ang bagong polisiya ng Japanese government na kumuha ng mga dayuhang manggagawa sa susunod na limang taon para mapataas pa ang remittance flow sa ating bansa at gayondin sa walo pang ibang bansa na Cambodia, China, Indonesia, Mongolia, Myanmar, Nepal, Thailand at Vietnam.
Binigyang-pansin din ng World Bank na “magpapadala ng migrant workers mula sa siyam na bansa para sa 14 sector sa Japan na nakakaranas ngayon ng matinding labor shortages.”
Lumagda ang Filipinas sa isang memorandum of cooperation sa Japan nitong nakaraang Marso ng taong kasalukuyan upang makapagpadala ng mga Pinoy worker para sa mahigit 100,000 posisyong kailangan mapunan.
REAKSIYON:
Ang tulong ng ating mga OFW para manatiling nakalutang ang ating ekonomiya at malunod ay dapat bigyang halaga ng ating gobyerno. Napapanahon na para makapagbalangkas ng tamang polisiya na magbibigay ng sapat na proteksiyon sa kanila habang sila’y nagpapawis, nagpupursigi at naghihirap sa kanilang trabaho sa ibang bansa.
***
PARA sa inyong komento o suhestiyon, reklamo o kahilingan, magpadala ng mensahe o impormasyon sa email na [email protected] o i-text sa cellphone numbers na 09054292382 para sa Globe at 09391252568 para sa Smart. Salamat po!
PANGIL
ni Tracy Cabrera