ILOILO — Buong loob na idiniin ni Vice President Leni Robredo na siya ang nanalo sa eleksiyon noong 2016, dahil pinatunayan lang ng election protest na inihain laban sa kaniya ang lamang niya sa halalan.
Ayon kay Robredo, wala namang napala ang kaniyang kalaban na si Bongbong Marcos nang kuwestiyonin nito ang kaniyang pagkapanalo, at idinamay pa ang Iloilo, na malaki ang naging lamang ng bise presidente.
Proud na proud na nagpasalamat si Robredo sa mga Ilonggo para sa kanilang pagmamahal at suporta, at iginiit na hindi sila mga mandaraya — na napatunayan sa recount.
“Nadamay po kayo, nag-file sa akin ng protesta ‘yong kalaban ko sa eleksiyon. Ang sabi niya, nandaya raw po ako nang grabe dito sa Iloilo. Binuksan naman ‘yong mga balota — walang nakitang pandaraya dahil hindi naman nandaraya ang mga tao rito sa Iloilo,” wika ni Robredo, na sinagot ng malakas na palakpak ng mga Ilonggo.
Malaki ang ipinanalo ni Robredo sa Iloilo, na siya ay nakatanggap ng 573,829 boto, kompara sa 94,411 boto para kay Marcos.
Sa Iloilo City, na itinuturing ng Presidential Electoral Tribunal na hiwalay sa probinsiya, nakakuha ng 137,662 boto si Robredo — lamang ng 100,000 kay Marcos.
Sa kabila nito, pinilit pa rin ni Bongbong na nadaya siya sa Iloilo, at isinama ito sa tatlong probinsiyang napili niya sa initial recount para sa kaniyang electoral protest. Pero ayon sa legal team ni Robredo, wala namang nakitang pandaraya mula sa nasabing pagbibilang.
Nasa Iloilo City si Robredo nitong Miyerkoles para ilunsad ang Ahon Laylayan Koalisyon, isang proyektong naglalayong palakasin ang mga batayang sektor at tulungan silang bumuo ng People’s Council — isang inisiyatibang sinimulan ng kaniyang yumaong asawa na si Jesse, na matagal na naging mayor ng Naga City.
Dito binibigyan ng pagkakataon ang mga ordinaryong mamamayan na makibahagi sa mga desisyon at pamamahala ng lokal na pamahalaan.
Sa okasyong ito ay naimbitahan rin ang mga kandidato ng Otso Diretso, nangako sa pamamagitan ng isang covenant, dadalhin nila sa Senado ang mga agenda at pangangailangan ng mga sektor.
Kinuha ni Robredo ang pagkakataon upang humingi ng suporta para sa mga kandidato, na ayon sa kaniya ay matitino, mahuhusay, at may paninindigan.
Aniya, sana ang kaniyang naging tagumpay sa Iloilo noong 2016 ay maibigay rin sa mga kandidato ng Otso Diretso, kabilang na sina Sen. Bam Aquino, Magdalo Rep. Gary Alejano, dating senador Mar Roxas, dating congressman Erin Tañada, dating solicitor general Pilo Hilbay, dating ARMM assemblywoman Samira Gutoc, beteranong election lawyer na si Atty. Romy Macalintal, at ang iginagalang na human rights lawyer na si Atty. Chel Diokno.