AYON kay PDEA Chief Aaron Aquino, 31 ang pangalan ng mga artista na nasa drug watchlist ng PDEA. At pangangalanan na nila ito in due time.
Nais niyang iparating sa mga artistang sangkot sa droga ang mensahe na tumigil na sa paggamit o pagtutulak ng droga.
“Marami na rin kaming nahuling mga artista. And huwag ninyo nang hintaying mahuli namin kayo. Huwag ninyong sabihing nasa hotel kayo, nasa condominium, nasa exclusive subdivision, bibirahin at bibirahin namin kayo,” babala niya.
Para makatulong sa kampanya kontra-droga, hinimok ng PDEA ang mga TV network na isailalim sa surprise at mandatory drug test ang mga artista.
Kung gagawin ito, dapat mayroong mga tauhan ng PDEA na susubaybay sa gagawing pag-inspeksiyon.
“I just hope that na kung mangyari man, lahat sana ng celebrity present just to be, just to show to the public that they are clean,” ani pa ni Aquino.
Nag-text kami kay Jeric Gonzales, kinuha namin ang kanyang reaksiyon bilang isa ring artista, kung pabor ba siya na pangalanan na ng PDEA ang mga artistang involved sa droga. At ayon sa textback niya sa amin, “sa tingin ko naman, bilang artist, kailangan din i-consider ‘yung image ng isang artista, kasi pinangangalagaan din namin ang mga imahe namin sa tao. Kaya opinyon ko lang, baka pwedeng i-private na lang muna kung pwede, at siguro warning na lang. Pero kung talagang medyo hindi na talaga mapigilan eh, pwede na siguro ilabas ang pangalan, para magkaroon ng awareness at pati sa mga iba ang artista na malaman nila na ganoon na kahigpit ngayon para sa kapakanan na rin naman namin.” (ROMMEL PLACENTE)