ISA umanong 16-anyos rape victim ng isang acting mayor ang lakas-loob na lumuwas ng Maynila upang ihinga ang kanyang sinapit sa kamay ng isang acting mayor sa isang lungsod sa Ilocos Sur.
Ang biktimang si Anna (hindi tunay na pangalan) kasama ang kanyang ina at lola ay hindi naman nabigo sa kanilang paglapit sa Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na kapag daka’y binigyan ng aksiyon ang kanilang dinulog na problema.
Sila ay sinamahan ng grupong Malayang Lipunan Inc., sa Malakanyang na hinarap sila mismo ni PACC Commissioner Manny Luna hinggil sa dinanas ng kanyang apo sa kamay ng acting mayor.
Nauna umano silang nagsampa ng kasong rape sa Office of the Provincial Prosecutor laban kay Cabugao vice mayor na ngayo’y acting mayor Deogracias Jose Victorino Savellano.
Sinabi ng Lola ng biktimang si Filomena Arellano na baka hindi umusad ang kaso nilang isinampa laban sa acting mayor na sadya daw maiimpluwensiya at makapangyarihan sa Ilocos Sur kung kaya’t kanyang naisipan na dumiretso sa PACC sa Malacañang sa tulong ng grupong Malayang Lipunan Inc.
Lubhang nasiyahan daw siya sa naging pagtrato sa kanila ni Com. Luna kung kaya’t sumagi sa kanyang isipan na kahit na maliit na taong katulad nila ay mayroon pa rin sasandalan.
Sa complaint affidavit ni Anna at imbestigasyon ng Cabugao police, makailang beses na siyang minolestiya at pinagsamantalahan ng acting mayor na si Savellano na nag-umpisa noong 25 December 2017.
Ilan beses daw ginawa ni Savellano ang pagsamantalahan siya sa kanyang resthouse at farm sa nasabing lugar na ang huli ay noong January 1, 2018.
Sa isang press conference na ginanap sa Maynila kamakailan, natanong si Arellano kung bakit ngayon lang nila isiniwalat ang insidente na ayon naman sa una ay dahil sa malaking takot nila sa Alkalde na umano’y may matinding banta sa kanilang mga buhay at kaligtasan.
Marami rin ang nagtatanong, bakit pa ngayon natiyempo ang pagbubulgar sa nasabing insidente na nalalapit ang mid-term election sa 13 Mayo.
Di kaya ito isang black propaganda ng kalabang politiko ni Savellano o ng iba pang grupong may galit sa kanya, ‘di natin alam pare-pareho mga katoto kung kaya’t abangan na lang natin ang susunod na kabanata.
Sa laon at sa ano pa man ay lalabas din ang katotohanan sa lahat-lahat basta manatili at maging kalmado sa lahat ng situwasyon.
PAGBATI
Happy, happy 46th birthday to kagawad Dennis Chan of Barangay 215, Zone 20 Tondo, Manila. May you have many many more to come god bless at mabuhay ka!
Congratulations and happy graduation to my inaanak Cherry Ann Chan, BSBA Universidad de Manila. More power and keep on truckin!
YANIG
ni Bong Ramos