HUMINGI ng tulong kay senatorial candidate Mar Roxas ang mga magsasaka ng Nueva Ecija na dumaranas ng El Niño bukod pa ang pagbagsak ng kanilang mga ani dulot ng pagbaha ng mga imported rice at iba pang agricultural products.
Ayon sa magsasaka, bagsak na ang presyo ng palay pati na ang sibuyas na naging sanhi ng kanilang pagkalugi kaya kailangan na nilang magpatulong kay Roxas.
“Ako, tutol ako sa policy ng gobyerno na ang solusyon lagi, import kaagad. Iniimport natin ang bigas, asukal, galunggong, pati sibuyas, ini-import. Kaya hindi na tayo nagtataka na bagsak ang presyo ng mga magsasaka o mga producers natin,” sabi ni Roxas.
Sinabi pa ng ekonomistang si Roxas na imbes import kaagad ang unang nakikita ng mga nasa gobyerno, dapat ay pagtulong muna sa mga magsasaka ang prayoridad dahil iyon ang tamang sistema.
“Gawin nating mas modern ang pagsasaka sa Filipinas. Halimbawa, mga hybrid seeds at post-harvest facilities. Mga thresher, harvester, dryer dapat mechanized na lahat ‘yan. Nang sa gayon, dodoble ang aanihin ng ating farmers, gaganda ang kanilang crop recovery, lalaki ang kanilang kita,” sabi ni Roxas na itinuturing din na ama ng call centers sa bansa. Bagama’t ang gobyerno ay walang magagawa sa El Niño, sinabi ni Roxas na puwede namang tulungan ang mga magsasaka para mabawasan ang epekto nito at hindi na sila kailangan umutang sa 5/6. Sa pinakahuling ulat ng Disaster Risk Reduction & Management (DRRM) Operations Center ng Department of Agriculture (DA) umaabot na sa P4.35 bilyon ang pinsala ng El Niño na nakaapekto sa 138,859 magsasaka.