IPINAHAYAG ng award-winning actress na si Sylvia Sanchez na dream role niya ang maging isang kasambahay. Ito ang gagampanan niya sa isang advocacy film na pinamagatang OFW, The Movie na pamamahalaan ni Direk Neal “Buboy” Tan.
“Gusto ko lang ikuwento sa inyo na pangarap kong mag-portray ng role na kasambahay. Gustong-gusto ko, kasi ibang atake at alam kong kapupulutan ng aral ito. Hindi to basta-basta katulong lang, huwag natin gawin lang.
“Noong ini-offer sa akin ito, tumawag sa akin ‘yung manager ko, in-explain niya, sabi niya, ‘Ito ‘yung role, ito ‘yung sa OWWA, ito ‘yung sa mga domestic helper, mga ganoon…’ Kaya thank you sa inyo sa pag-consider sa akin, kay direk Neal, sa mga producer, sa OWWA, sa lahat, maraming salamat po,” esplika niya.
Saad ng Kapamilya star at lucky charm and original endorser ng BeauteDerm CEO at owner na si Ms. Rei Tan, “Masaya ako na maging part ng ganitong klaseng movie, kasi gusto ko na po – sa edad kong ito, gusto ko na po mag-portray ng role na kapupulutan ng magandang aral ng mga kapwa natin Pinoy. Hindi ‘yung basta-bastang role lang dahil gusto kong kumita. Of course masarap kumita, pero mas masarap ‘yung makapagbibigay ka ng magandang ehemplo o message sa role mo… ‘yun ang mga tinatanggap ko ngayon. Kaya ipinagmamalaki ko ang pelikula na ito at proud na ako ang gaganap sa role na Ofelia.”
Nagkaroon ng story conference last March 28 para sa nasabing project na kabalikat ang Overseas Workers Welfare Administration. Nasa OWWA pa si Arnell Ignacio noon as deputy administrator nang simulan nila ni Direk Neal ang proyekto.
Ngayong nag-resign na si Arnell at bago na ang OWWA deputy administrator na si Mr. Hans Leo Cacdac, natuloy ang project. Sa naturang presscon ay binigyang-diin ni Arnell na pinili nila na maging mga positibong kuwentong based on true story ng mga OFW ang matutunghayan sa pelikulang ito na tatampukan nina Ms. Sylvia, Rafael Rossel, Kakai Bautista, Christian Vazquez, at Dianne Medina.
Kasama rin sa pelikula sina Mel Kimura at ang kilalang indie producer na si Ms. Baby Go na tuwang-tuwa sa pagkakasali sa naturang proyekto. Si Arnell naman ang magsisilbing narrator sa katapusan ng bawat episode.
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio