HINDI ine-expect ni Kaye Abad na tatanungin siya tungkol sa kaibigan niyang si John Lloyd Cruz sa presscon ng pinagbibidahan niyang bagong ABS-CBN teleserye, Nang Ngumiti Ang Langit. Pero aminado siyang marami ang nagtatanong sa kanya sa labas tungkol sa aktor at dati niyang ka-loveteam. Nagkataon din kasing pareho sila ni John Lloyd na sa Cebu ngayon naka-base.
“Hindi ko siya ine-expect na tatanungin dito, pero maraming taong nagtatanong kahit ‘yung mga taga-Cebu na mga friend ko na, ‘Hindi kayo nagkikita ni John Lloyd?’ May mga nagsasabi pa nga, ‘Hoy sinundan ka ni John Lloyd!’ Pero hindi kami talaga nagkikita. May mga nakikita ko sa feed ko na nakita siya sa SM Seaside, na bumili ng stroller, ng gamit ng baby. Ewan ko, ang liit-liit ng Cebu pero hindi kami nagkikita,” sabi ni Kaye.
Wala ba silang komunikasyon bilang magkaibigan naman sila? “Wala eh. Friends kami, pero wala kaming communication now. The last time na nagkausap kami sa text noong nag-’MMK’ kami, sila pa ni Angel (Angelica Panganiban), so ang tagal na.”
Hindi alam ni Kaye kung ano ang dahilan ni John Lloyd para iwan muna ang showbiz at harapin ang relasyon kay Ellen Adarna at sa napabalitang may anak na sila. Ang tanging masasabi ni Kaye ay ang side niya kung bakit matagal-tagal din siyang namahinga sa showbiz.
“Ewan ko sa kanya, pero sa akin pangarap ko talaga na magkaroon ng pamilya, magkaroon ng anak, maging housewife. Dream ko talaga iyan, so hindi talaga ako nagsisisi. Pero hindi ko iniiwan ang acting. Katulad ng sinabi ko, nami-miss ko. So, I guess ito lang muna ‘yung priority ko ngayon. And then after ‘pag malaki na ‘yung anak ko, sana magkaroon pa ng isa pa, and then definitely babalik ako.”
Masaya at kontento sa pagpapamilya
Masaya at kuntento naman si Kaye sa family life kasama ang asawa niyang si Paul Jake Castillo at anak na si Pio Joaquin.
Thankful lang si Kaye na supportive naman ang mister niya sa pagbabalik-showbiz niya. “Actually, supportive siya. Lagi niya akong tinatanong, ‘Nami-miss mo?’ Sabi ko, ‘Oo.’ Sabi niya, ‘Balik ka lang.’ Ang problema kasi willing siya na bumalik ako, pero ‘yung bata maiiwan sa Cebu. Eh, ayoko naman.”
Kaya hindi pa rin permanente ang pagbabalik-showbiz niya. “Oo, kasi ang next project ko ay baby number 2. Kasi hindi na ako bata, so gusto ko pa ng isa bago ako mag-40.”
Nanibago sa presscon, pero masaya sa pagbabalik-teleserye
NANINIBAGO si Kaye sa pagharap sa mga press people sa presscon ng Nang Ngumiti Ang Langit. Pero masaya siya na nakagawa ulit siya ng teleserye sa ABS-CBN.
“Feeling ko hindi na ako sanay. Pagpasok ko nga ng ABS kanina… ngayon lang ulit ako pumasok ng ABS. ‘Two Wives’ pa ‘yung huling show na ginawa ko. Taong 2016 ako ikinasal eh, so 2015 pa ‘yung last sa ABS, so ang tagal na. Sabi ko nga, paano na ba mag-presscon? Hindi na nga ako marunong sumagot nang maayos,” biro ni Kaye.
“Thankful lang ako sa ABS-CBN, sa RSB drama unit, kay Direk Ruel Bayani, sa pagbibigay sa akin ng role rito sa ‘Nang Ngumiti Ang Langit’ kasi na-miss ko ring umarte talaga.”
Ginagampanan ni Kaye ang role ni Ella, ang nanay ng batang bida na si Mikmik, na ginagampanan naman ng child star na si Sophia Reola.
Paano niya ginampanan ang pagiging isang ina ngayong nanay na talaga siya sa totoong buhay? “It’s weird kasi… paano ko ba ie-explain? Kasi ever since ‘Tabing Ilog’ naman naging young mom na ako. So, ngayong mommy na talaga ako, I gues nakatulong siya sa emotions. Hindi kasi ako ma-technique na tao, na let’s say iisipin ko na siya (Sophia) ‘yung anak ko, kasi mahirap kasi lalaki ‘yung anak ko. So, more on pumapasok talaga ako sa character na hindi ko iniisip na ako si Kaye. Madali lang siya sa part na nanay na ako, but when it comes sa pag-acting na may anak the same pa rin siya like before kasi nga hindi ko siya ginagawang technique. Basta pumapasok lang ako sa character. Kaya medyo this time nahirapan ako kasi I only did it for a while. So, medyo nahirapan pa akong mag-adjust at pumasok sa character and to bond with Sophia. But after a while naging okay naman na lahat.”
Mapapanood sa trailer ng serye na magkakasakit ang character niya at mamamatay. Ipinaliwanag naman ni Kaye kung bakit. “That’s why I accepted this show kasi sandali lang talaga siya (character niya). Kasi hindi ko pa kayang mag-full time na acting kasi baby pa ‘yung anak ko.”
Sa direksiyon nina FM Reyes at Marinette Natividad de Guzman, ang Nang Ngumiti Ang Langit ay mapapanood mula Lunes hanggang Biyernes ng umaga bago mag-It’s Showtime sa ABS-CBN simula sa Marso 25.
PABONGGAHAN
ni Glen P. Sibonga