PINALAGAN ni Lotlot de Leon ang inilagay ng isang heckler sa kanyang social media wall. Ang sabi ng heckler, “huwag mo sanang kalimutan ang mga taong tumulong sa iyo, dahil kung hindi rin naman dahil sa kanya, wala ka sa kinalalagyan mo ngayon.”
Wala namang sinabi iyong heckler kung sino ang taong mukhang nakalilimutan na ni Lotlot, pero maliwanag naman sa mga nakabasa niyon na ang tinutukoy ay ang umampon sa kanyang si Nora Aunor. Nauna riyan, may mga lumalabas kasing balita na hindi na ganoon ka-close si Lotlot sa kanyang nakagisnang nanay.
Pero hindi nangangahulugan iyon na walang pagpapahalaga si Lotlot sa umampon sa kanya. Kung iisipin na lang ninyo na si Lotlot ang nagtaguyod sa kanyang mga itinuturing na mga tunay na kapatid, kahit na lahat naman sila ay inampon lamang, katunayan na pinahahalagahan niya ang pagkaka-ampon sa kanya. Isa pa, ano naman ang aasahan ninyo, hindi ba’t itinuturing namang mas malaking star si Nora kaysa kay Lotlot hanggang ngayon? Kung ganoon siya pa nga ang dapat kumalinga kay Lotlot.
Bakit kailangang i-bash si Lotlot?
Wala talaga sa tamang katuwiran ang basher na iyon, kaya ok lang na palagan ni Lotlot ang kanyang sinasabi. In the first place, alam ba niya ang pribadong buhay niyong mga tao at nakikialam siya? Sigurado ba siyang hindi man lang natulungan ni Lotlot ang umampon sa kanya?
Iyan ang nakaiinis sa social media eh. May mga taong nariyan na walang ginawa kundi ang pakialaman ang buhay ng iba. Iyang social media, ang idea riyan ay mailabas mo kung ano ang nasa isip mo at baka kapulutan ng karunungan ng iba. Kaya nga sa section na nagpo-post ay may tanong na “what’s on your mind.” Hindi naman sinabing, “what do you think of others.” Pero iyong iba kung minsan o baka masabi nga nating kadalasan, bastos na.
(Ed de Leon)