SA ginanap na pabulosong birthday celebration ng prolific movie producer na si Ms. Baby Go sa Marco Polo, Ortigas, inianunsiyo niya ang mga pelikulang pasabog na gagawin ng kanyang movie company.
Kabilang dito ang Hilakbot at Burak. Pero ang naging interesado ang marami ay sa pelikulang Sixty in the City na magtatampok din kina Nora Aunor, Charo Santos, at Coney Reyes. Ito’y pamamahalaan ni Direk Mel Chionglo, mula sa panulat ni Lualhati Bautista.
Kuwento ng lady big boss ng BG Films, “Si Nora ay matagal na siyang nasa mind ko na gusto kong gumawa talaga ng pelikula na isa siya sa bida. Ang mga bida pa sa movie na ito ay sina Charo Santos at Coney Reyes.
“Si Mel Chionglo ang director, kaya sure ako na maganda ito, hindi naman kasi ako gagawa ng pelikulang hindi quality, ‘di ba?” Nakangiting saad ni Ms. Baby.
Dagdag niya, “Ang next project namin ay ‘yung Latay starring Allen Dizon, Lovi Poe at iba pa. Siyempre happy ako dahil may mga magagaling akong artista, magagaling na director at staff. Iyong mga artista ko at director, mga professional at mababait, sila ay walang attitude problem na katulad ko na kahit apihin na, murahin… eto pa rin ako nakatayo pa rin, sexy at maganda pa rin,” nakatawang sambit niya.
Ano ang birthday wish niya? “Ang birthday wish ko ay continuous lang ang pagpo-produce ko, na marami akong movies na gagawin na lalaban sa ibang bansa, mananalo ng awards… Mahalagang gumawa tayo ng magagandang pelikula, kaya tayo ay laging nananalo at nag-uuwi ng karangalan para sa ating bansa. Kaya ipinagpapatuloy ko lang talaga ang paggawa ng movies.
“At siyempre, gusto ko rin na marami pang matulungan sa showbiz industry, pati na sa labas ng showbiz. Kaya iyong ating foundation na PC Goodheart, patuloy na tutulong sa mga nangangailangan talaga.”
Sa panig ng premyadong manunulat na si Lualhati Bautista, malaking karangalan na maisapelikula ang kanyang mga akda.
Gaya ng kanyang Dekada ’70, Bata Bata Paano ka Ginawa?, at Bulaklak ng City Jail.
Ang kanyang akdang Sixty in the City ay matagal nang inaabangan ng kanyang mga tagahanga at sa totoo lang kanya-kanyang bet kung sino ang mga gaganap.
Unang nailathala sa Liwayway Magazine noong 2008 ang Sixty in the City, at naisalibro noong 2015.
Unang pumutok na isasapelikula ito sa ilalim ng ABS CBN pero lumipas ang ilang taon hindi ito naisakatuparan.
Tapos umugong din na na interesado ang GMA-7, pero hindi pa rin natunghayan sa pelikula ng mga tagahanga ni Lualhati Bautista.
Ngayon, sa bungad ng 2019, sa ilalim naman ng film advocate na si Baby Go, umuugong na magiging pelikula ang Sixty in the City.
Pero ayon sa awtor na si Lualhati, “Wala pa namang final negotiation diyan e. Two or 3 days ago yata, nag-post din si Dennis Evangelista tungkol diyan tinag pa ako. Sabi ko sige usap kami, tatawagan ko siya. Nang itext ko naman at sabi ko, itext ako kung what time ko siya puwedeng tawagan, di naman ako tinext. Akala tuloy ng iba, nabili na nila ang rights.”
Oo nga naman. Kung hindi pa nga naman sarado ang usapan lalo na’t wala pang preliminary agreement, mahirap nga naman panghawakan.
Simple lang ang rason kung bakit…
“Kasi nape-prejudice din ang nobela ko. Malay mo me iba ring produ na nakakagusto pero hindi na makalapit sa akin kasi akala nila, nabili na nga ni Baby Go.”
‘Yun ang punto ni Lualhati Bautista.
Pero sa kabila nito, lagi pa rin positibo ang pananaw ng premyadong manunulat.
Pambungad nga niya sa Sixty in the City: “Ang buhay ay hindi nagsisimula pagtuntong ng sisenta. Nagsisimula ito sa bawat ngiti ng umaga.”
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio